Calendar
Lumagui: CREATE MORE padadaliin pagnenegosyo, padadamihin mamumuhunan
BILANG bahagi ng hakbang ng pamahalaan upang gawing mas kaakit-akit ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan, naglabas ng bagong mga patakaran ang Bureau of Internal Revenue (BIR) upang pasimplehin ang proseso ng paghingi ng VAT refund—isang mahalagang reporma sa ilalim ng CREATE MORE Act.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr.: “Ang expectation natin, makikita ng mga dayuhang investors na seryoso ang pamahalaan na pagbutihin ang pagnenegosyo at papadaliin ang pagnenegosyo dito sa ating bayan.”
Dagdag pa niya:“Umaasa tayo na dahil dito ay mas maeengganyo ang mga foreign investors na magnegosyo dito sa Pilipinas.”
Ang Republic Act No. 12066 o CREATE MORE Act ay nag-amyenda sa National Internal Revenue Code upang magbigay ng mas malaking tax relief at insentibo sa mga negosyo, lalo na sa mga exporters. Kaugnay nito, noong Abril 10, naglabas ang BIR ng Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 37-2025, na nagpapababa ng mga kinakailangang dokumento para sa VAT refund claims.
Ayon kay Commissioner Lumagui:
“’Yan naman ang layunin ng CREATE MORE at ng mga ginagawa natin—na padaliin ang pagnenegosyo at ang pagbabayad ng buwis. Patuloy din ang pagsusuri natin kung ano pa ang puwede nating i-streamline na mga proseso upang mas mapadali pa ang pagnenegosyo sa ating bayan.”
Binanggit din niya na ang mga bagong regulasyon ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas business-friendly ang bansa.
“Ang layunin nitong in-issue natin na RMC 37-2025 ay para mas padaliin ang pag-claim ng mga VAT refund. Marami sa ating mga negosyante ang kailangang mag-refund ng kanilang binayarang value-added tax. Kaya pinaiksi natin ang proseso at tinanggal ang ilang dokumentong dati’y kailangan pa. Tugma ito sa layunin ng ating mahal na pangulo na mapadali ang pagnenegosyo.”
Mga Pangunahing Pagbabago sa Patakaran:
Maari nang magsumite ng certified true copy ng invoice o resibo sa halip na orihinal.
Hindi na kinakailangan ang SEC/DTI registration at import entry documents.
Sa mga claim na may kinalaman sa amortized input VAT sa capital goods, maaari nang gamitin muli ang mga naunang sertipikasyon mula sa Bureau of Customs kung naipasa na ito dati.
Simula sa taxable period ng Abril 1, 2025, ang mga exporters ay hindi na kailangang magsumite ng aktuwal na patunay ng shipment gaya ng bill of lading. Sa halip, certification mula sa Export Marketing Bureau ng DTI na lamang ang kakailanganin.
“Ngayon, pinadali natin ang proseso sa pakikipag-ugnayan sa DTI—sa export marketing bureau. May nilagdaan tayong kasunduan (MOA) na sila na ang magpapatunay ng export. Hindi na kailangang ulitin pa ang pagsusumite ng parehong dokumento.”
Bukod sa pagbawas ng red tape, ibinalik din ng CREATE MORE Act sa zero percent VAT ang ilang transaksyon na dating isinailalim sa 12% VAT sa ilalim ng TRAIN Law, upang muli silang maging kuwalipikado sa VAT refund.

