DOH

DOH pinabulaanan kumakalat na online news na may lockdown dahil sa mpox

429 Views

PINABULAANAN ng Department of Health (DOH) nitong Sabado ang kumakalat na impormasyon online na may lockdown umano sa bansa dahil sa monkeypox o mpox.

Hinimok ng DOH ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na social media accounts.

Sa isang paabiso, sinabi ng kagawaran na wala itong nakikitang pangangailangan na magpatupad ng lockdown dahil ang mpox ay “hindi airborne.”

Ayon pa sa DOH, mas mataas ang mga kaso ng mpox noong 2024 at Abril ngayong taon kumpara sa mga kasong naitala ng Mayo.

Ipinakita sa isang graph na ibinahagi sa media na mas mataas ang kumpirmadong kaso noong Abril 2024 kumpara nitong Mayo, ngunit walang inilabas na tiyak na bilang.

“Nagkataon lamang na naghe-headline dahil aktibo at naga-anunsyo na ngayon ang mga LGU,” ayon sa DOH.

Kinumpirma rin ng DOH na ang mas mild na variant na Mpox Clade II ang naitala sa ngayon, at hindi ang mas mapanganib na Clade I-b.

“Mas mababa ang mortality ng Clade II, nasa mga isa sa bawat sampu, kumpara sa 4–5 ng Clade I-b,” dagdag pa nito.

Pinaalalahanan ang publiko na sumunod lamang sa mga health advisory na ipinalalabas sa opisyal na social media accounts ng DOH.