Calendar

Marcos inanunsyo pagtutulungan ng Pilipinas, Japan sa larangan ng space technology
IBINUNYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) upang gamitin ang teknolohiya sa kalawakan para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.
Naganap ang pulong ng Pangulo sa mga opisyal ng JAXA bilang bahagi ng pagtatapos ng kanyang mga business meeting sa Osaka, Japan nitong Biyernes, Hunyo 20.
“Kasama ang Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) at ang ating sariling Philippine Space Agency (PhilSA), nagtutulungan tayo upang gamitin ang space technology na makatutulong sa pagprotekta at pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino,” ayon sa pahayag ng Pangulo na ipinost sa social media.
“Sa pamamagitan ng mas mahusay na mga satellite, mas madali nating matutunton ang mga bagyo at makakakilos agad sa mga sakuna, matutulungan ang ating mga magsasaka sa mas matalinong pagpaplano, at mapapanatiling ligtas ang ating mga komunidad,” dagdag pa ng Pangulo.
Kasalukuyang nasa apat na araw na working visit si Pangulong Marcos sa Japan mula Hunyo 19 hanggang 22.
Matagal nang katuwang ng Pilipinas ang JAXA sa larangan ng agham, teknolohiya, at aplikasyon ng space programs sa pamamagitan ng Department of Science and Technology (DOST).
Nakipagtulungan na ang DOST sa mga unibersidad sa Japan sa matagumpay na pagbuo at pagpapalipad ng mga unang microsatellite ng Pilipinas na DIWATA-1 at DIWATA-2, pati na rin ang nanosatellites na MAYA-1 at MAYA-2, at ang kauna-unahang nanosatellite na gawa ng isang pamantasang Pilipino.
Itinatag noong 2003, ang JAXA ay resulta ng pagsasanib ng tatlong institusyon at itinuturing na pambansang space agency ng Japan na may tungkuling magsagawa ng pananaliksik, pag-unlad, at paggamit ng teknolohiya sa kalawakan at aeronautics.
Noong Abril 2015, opisyal na naging national research and development (R&D) agency ang JAXA. Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang pagsusulong ng R&D sa aerospace field, pakikipagtulungan sa mga dayuhang ahensya, pagpapalaganap ng kaalaman sa publiko, at kolaborasyon sa industriya at mga institusyong pang-edukasyon. PCO