Calendar
Source: DSWD Assistance
‘Mark Lee’ arestado sa panggagahasa
ISANG 19-anyos na lalaki na kabilang sa listahan ng Regional Most Wanted Persons ang naaresto ng mga awtoridad sa Barangay Sagat, Cordon, Isabela nitong Lunes, Agosto 25.
Kinilala ang suspek sa alyas na Mark Lee, binata at residente ng naturang bayan. Siya ang ika-sampu sa listahan ng Regional Most Wanted at nahaharap sa kasong panggagahasa alinsunod sa Article 266-A ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Batay sa ulat ng pulisya, nagsimula ang kaso matapos dumulog ang magulang ng biktima upang iulat ang pang-aabuso noong Oktubre 14, 2024 sa bayan ng Diffun, Quirino.
Lumabas sa imbestigasyon na paulit-ulit umanong pinagsamantalahan ng suspek ang biktima kasama ang dalawa pa nitong kasamahan.
Ang pag-aresto kay alyas Mark Lee ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Cordon Police Station at iba’t ibang yunit ng PNP, dakong 3:30 ng hapon, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 32, Cabarroguis, Quirino noong Mayo 27, 2025. Ang warrant ay kaugnay ng tatlong kasong kriminal na walang inirerekomendang piyansa.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek at sumasailalim sa kaukulang proseso.
Pinuri ni PBGEN Roy B. Parena, Regional Director ng PRO2, ang mga pulis sa matagumpay na operasyon.
Aniya, “Ang matagumpay na pagkakadakip sa suspek ay nagpapadala ng malinaw na mensahe na ang hustisya ay mananaig para sa mga biktima. Hinihikayat namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa mga kapulisan ang anumang kahina-hinalang aktibidad. Nawa’y magsilbing paalala ito na ang mga lumalabag sa batas ay hindi makakaiwas sa krimen na kanilang nagawa.”
STORY FROM THIS LINK: https://www.facebook.com/share/p/16jFSDZVxS/
