Calendar
Negosyante, hinoldap ng pulis, 2 pa sa Bulacan
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga— Ang mabilis na pagresponde ng mga pulis noong Martes ay humantong sa pagkakaaresto sa tatlong lalaki, kabilang ang isang dating pulis, sa insidente ng pangho-holdup sa Bgy. Poblacion, Santa Maria, Bulacan.
Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng Bulacan police, na ang biktima, isang 71-anyos na negosyante, ay magdedeposito sana ng P500,000 cash nang bigla siyang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek, kinuha ang pera at tumakas sakay ng motorsiklo kasama ang driver.
Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa isang traffic enforcer na mabilis na nag-report ng insidente sa Santa Maria police.
Ang mga nagpapatrolyang pulis ay mabilis na rumesponde kaya naharang at nahuli ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang ninakaw na P500,000 cash, isang .40 pistol na may serial number AAMV111, isang magazine na kargado ng 12 na bala, at ang plateless na motorsiklo na pinaniniwalaang ginamit nila bilang getaway vehicle.
Ang ikatlong kasama ng mga ito na nagsilbing spotter ay naaresto sa isang follow-up operation.
Pinuri ni Penones ang mga tropa at binigyang-diin ang kahalagahan ng mabilis na koordinasyon sa pagitan ng komunidad at pulisya.
“Ang insidenteng ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagbabantay at agarang pag-uulat. Sa pamumuno ng ating bagong acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nananatili tayong nakatutok sa pagpapalakas ng kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mabilis at epektibong aksyon ng pulisya,” ani Penones.

