Cert

Mary Grace Piatos, iba pang alyas walang record sa PSA

143 Views

ANG pangalang Mary Grace Piattos at iba pang mga alyas na lumitaw sa confidential-fund liquidation records ng Office of the Vice President at Department of Education ay kabilang sa mga pangalang walang nakitang katugmang birth, marriage o death record sa Philippine Statistics Authority, ayon sa prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa prosecution, 1,685 sa 2,669 pangalan na isinailalim sa verification ang walang nakitang katugmang civil-registry record sa PSA.

Sinabi ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande na wala ring nakitang birth, marriage o death record sa pangalang “Mary Grace Piattos.”

Sa 2,669 pangalang ipina-verify, 1,992 ang mula sa OVP records at 677 sa DepEd.

Ayon din sa prosecution presentation, 152 pangalan ang nagkaroon ng single-match result sa PSA civil registry.

Sinabi pa ng prosecution na 37 sa mga matched records ay may kaukulang death certificates, habang hindi bababa sa 25 ang tumutukoy sa mga menor-de-edad, kabilang ang 3 taong gulang batay sa ipinakita sa presentation.

Tumestigo si Grande kaugnay ng verification na isinagawa ng PSA matapos makatanggap ang ahensiya ng request noong Hunyo 25, 2026.

Alinsunod sa standard procedure ng PSA, muling sinuri ng ahensiya ang mga single-match entries at naglabas ito ng certified copies ng kaukulang civil-registry documents mula sa system.

Ayon kay Grande, naglabas ang PSA ng official reply noong Hunyo 26, 2026 kasama ang verification results, listahan ng mga pangalang may available civil-registry documents, omnibus certifications at certified copies ng mga record.

Kinilala rin niya ang mga prosecution exhibits kaugnay ng PSA response at civil-registry documents.

Nang ipakita sa kanya ang summary ng full verification at tanungin kung gaano ito katumpak kumpara sa certification na kanyang kinilala, sinabi ni Grande:

“At sa aming full verification at summary tabulation, ang mga information na ito ay 100% accurate,” sabi ni Grande.

Nauna nang nilinaw ni Grande na ang kawalan ng civil-registry record ay hindi patunay na hindi umiiral ang isang tao dahil may mga pagkakataong hindi rehistrado ang kapanganakan o kulang ang impormasyong magagamit sa verification.

Isinama ng prosecution ang PSA verification at mga kaugnay na civil-registry records sa documentary evidence na iniharap nito sa impeachment court.