OVP Assistant National Statistician Marizza B. Grande Kuha ni JOSEPH MUEGO

Panda, Pusa at Maching’: 1,685 benepisyaryo ng confidential funds sa ilalim ni VP Sara walang rekord sa PSA — testigo

138 Views

MULA kay Mary Grace Piattos hanggang kina Tomas Panda, Timon Pusa at Tina Maching, 1,685 sa 2,669 katao na nakalista bilang mga tumanggap ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023 ay walang rekord ng kapanganakan, kasal, o pagkamatay sa civil registry database ng bansa.

Sinabi ni Assistant National Statistician Marizza B. Grande kay Atty. Mae Divinagracia, abogado ng prosecution panel, na kabilang sa mga pangalang lumitaw sa liquidation documents ng OVP at DepEd ang mga indibidwal na hindi matagpuan sa mga rekord ng PSA, pati na rin ang mga bata at mga taong matagal nang namatay.

Kabilang dito ang kontrobersyal na pangalang Mary Grace Piattos.

“Batay sa impormasyong ibinigay at sa aming database, walang rekord ng kapanganakan, walang rekord ng kasal, at walang rekord ng kamatayan para sa isang Mary Grace Piattos,” sinabi ni Grande sa Impeachment Court.

Si Duterte, na noon ay Kalihim ng DepEd, ay pinaglaanan ng kabuuang P112.5 milyon na confidential funds noong 2023, bukod pa sa P500 milyon na confidential funds na inilaan sa OVP.

Nahaharap ang Bise Presidente sa mga kasong high crimes, graft, at betrayal of public trust kaugnay ng alegadong sistematikong maling paggamit, iregular na pagpapalabas, at hindi wastong liquidation ng pinagsamang P612.5 milyon na confidential funds ng OVP at DepEd.

Kinilala rin ni Grande na ilang pangalan sa mga dokumento ng liquidation ng confidential funds ang tila hindi pangkaraniwan sa kanya.

“Nakita kong hindi pangkaraniwan ang mga ito dahil natatangi ang mga pangalang ito,” aniya.

Bukod kay Mary Grace Piattos, kabilang sa iba pang hindi pangkaraniwang pangalan sa mga dokumento sina Arthur Baon, Beverly Claire Pampano, Matthew Keso, Charles Sampaloc Jr., Timon Pusa, Tomas Panda, at Maxine Callos, bukod sa iba pa. Walang nakitang katugmang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan ang PSA para sa mga pangalang ito.

Ipinakita rin sa paglilitis ang mga acknowledgment receipt na nagpapakitang nakatanggap ng malalaking halaga mula sa confidential funds ng OVP ang ilan sa mga indibidwal na walang rekord sa civil registry. Kabilang dito si Danrick Otso na nakatanggap ng P500,000; Matthew Keso, P250,000; Tina Manching, P250,000; Xiame Otso, P100,000; at Timon Pusa, P100,000.

Itinuro rin ni Divinagracia na 25 pangalan sa mga liquidation record ng confidential funds ay pag-aari umano ng mga bata, at tatlo sa mga ito ay wala pang tatlong taong gulang.

Ayon sa testimonya, hindi bababa sa 152 sa 2,669 pangalan ang may isang katugmang entry lamang sa Civil Registry System.

Mayroon ding mga pangalan sa acknowledgment receipts na tumugma sa mga indibidwal na may marriage certificate sa mga rekord ng PSA, ngunit hindi tugma ang mga lagda sa mga dokumento.

Binanggit ni Grande na noong Nobyembre 2024, nagsumite ang PSA ng opisyal na dokumento sa House of Representatives na naglalaman ng mga natuklasan ng ahensya.

“Nagsumite kami ng letter of certificate na may petsang Nobyembre 5, 2025 sa Committee on Good Government and Public Accountability sa pamamagitan ni Representative (Joel) Chua,” aniya.

Sa PSA certification na isinumite sa House of Representatives, lumabas na walang rekord ng kapanganakan, kasal, at kamatayan si Mary Grace Piattos sa PSA Civil Registry System database, bagama’t lumitaw ang kanyang pangalan sa mga liquidation document para sa confidential funds.

Ang certification ay inilabas ni Undersecretary Claire Dennis S. Mapa, National Statistician at Civil Registrar General.

Nakasentro ang kontrobersiya sa confidential funds ng OVP sa mabilis na pagpapalabas ng P125 milyon na cash sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 31, 2022.

Katumbas ito ng average na mahigit P11.36 milyon bawat araw sa panahon ng kapaskuhan.

Sa mga naunang pagdinig, binanggit din ng mga opisyal ng bangko ang hindi pangkaraniwang katangian ng mga transaksiyon.

Ang P125 milyon ay bahagi ng P500 milyon na inilabas ng OVP sa apat na magkakahiwalay na transaksiyon na tig-P125 milyon sa loob ng tig-iisang araw mula sa Landbank Shaw Boulevard.

Samantala, ang Department of Education, sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, ay nag-withdraw ng P112.5 milyon na confidential funds sa pamamagitan ng tatlong transaksiyong tig-P37.5 milyon. Nina PS JUN M. SARMIENTO & RYAN PONCE PACPACO