Fajardo

Romualdez haharap sa mga alegasyon sa korte, humihiling ng due process — Fajardo

151 Views

HAHARAPIN ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya sa pamamagitan ng legal na proseso at ang hinihiling lamang niya ay ang kaparehong due process at patas na pagdinig na ipinagkakaloob sa bawat Pilipino, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Ade Fajardo nitong Lunes.

Ayon kay Fajardo, iginagalang ni Romualdez ang mga korte at sasagutin niya ang mga alegasyon laban sa kanya alinsunod sa batas.

“Iginagalang namin ang mga korte at ang legal na proseso. Haharapin ni Representative Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga alegasyong laban sa kanya alinsunod sa batas,” ani Fajardo sa isang pahayag.

Sinabi niya na ang interes ng publiko na nakapalibot sa kaso ay hindi dapat pumalit sa proseso ng hudikatura, kung saan tinutukoy ang pananagutang kriminal batay sa mga ebidensiyang iniharap sa korte.

“Kinikilala namin ang interes ng publiko hinggil sa kasong ito. Ngunit sa huli, ang pananagutang kriminal ay dapat matukoy batay sa mga ebidensiyang iniharap sa korte, alinsunod sa mga patakaran at pananggalang ng ating sistema ng hustisya,” ani Fajardo.

Binigyang-diin ni Fajardo na hindi humihingi si Romualdez ng anumang espesyal na pagtrato habang hinaharap niya ang mga alegasyon.

“Walang hinihinging espesyal na pagtrato si Representative Romualdez. Ang hinihiling lamang niya ay ang kaparehong due process at patas na pagdinig na ginagarantiyahan sa bawat Pilipino,” aniya.

“Katotohanan, ebidensya, at patas na proseso ang dapat manaig,” dagdag ni Fajardo.