Kamara

Mary Grace Piattos lumitaw sa dokumento ng confi fund ni VP Sara

88 Views

Kamara1Kamara2ANG kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” ay lumitaw sa mga dokumentong hiniling ng House Committee on Justice matapos itong maglabas ng subpoena sa isang state auditor ng Commission on Audit (COA), sa pamamagitan ni Chairperson Gamaliel A. Cordoba, kaugnay ng mga rekord na may kinalaman sa confidential funds ni Vice President Sara Z. Duterte.

Sa isang “subpoena ad testificandum et duces tecum,” inatasan ng panel si State Auditor V Atty. Gloria A. Camora ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office ng COA, sa pamamagitan ni Cordoba, na dumalo sa pagdinig sa Abril 14, 2026 at magsumite ng mga orihinal na dokumento na sumasaklaw sa paggamit at liquidation ng confidential funds.

“Ikaw ay inaatasan na humarap sa Committee on Justice sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa ikalawang palapag ng People Center, House of Representatives, at magsumite ng mga sumusunod na dokumento hindi bababa sa limang (5) araw na trabaho bago ang nasabing pagdinig,” ayon sa utos.

Ang subpoena, na inilabas kaugnay ng mga beripikadong reklamong impeachment laban kay Duterte, ay nag-uutos ng pagsusumite ng malawak na orihinal na mga rekord mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na sumasaklaw sa mga transaksyon ng confidential funds mula 2022 hanggang 2023.

Hinahanap ng mga mambabatas ang “lahat ng mga isinumite ng OVP sa COA kaugnay ng liquidation ng confidential funds” sa iba’t ibang quarter, kabilang ang mga tseke, disbursement vouchers, liquidation reports, certifications at accomplishment reports, pati na rin ang patunay ng pagsusumite sa Malacañang, Senado, at Kamara.

Kabilang sa mga dokumentong tinukoy ay ang mga transaksyon ng tseke at voucher mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023, mga liquidation report, at mga sinumpaang sertipikasyon ng mga accountable officers.

Kinailangan din ng komite ang mga rekord na maaaring magbigay-linaw sa integridad ng mga disbursement, kabilang ang “Documentary Evidence of Payments (DEP)” na may nakasaad na mga pangalan ng tumanggap ng bayad.

Kabilang dito ang:

• “Mga DEP na may pangalan ng tumanggap na ‘Milky Secuya’”
• “Mga DEP na may pangalan ng tumanggap na ‘Kokoy Villamin’”
• “Mga DEP na may pangalan ng tumanggap na ‘Mary Grace Piattos’”
• “Mga DEP na may pangalan ng tumanggap na ‘Irene Tan’”

Saklaw din ng subpoena ang mga dokumentong “kung saan ang mga pangalan ng tumanggap ay hindi mabasa, hindi kumpleto, walang lagda, walang pangalan, o walang petsa,” pati na rin ang mga “nagpapakita ng pisikal na imposibilidad ng aktwal na disbursement.”

Hiniling din ng mga mambabatas ang mga rekord na “may mga petsa sa mga panahong wala pang confidential funds ang OVP na maaaring i-disburse.”

Binigyang-diin ng komite ang papel ng auditor ng COA sa paghawak ng mga rekord, na nagsasaad:

“Si Atty. Camora ay isang auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) ng Commission on Audit. Ang COA-ICFAO ang may kustodiya ng lahat ng dokumento tungkol sa paggamit ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education ng kanilang confidential funds (CF) para sa mga taong 2022 at 2023. Kinakailangan ang kanyang testimonya upang matukoy at mapatunayan ang mga hinihinging dokumento,” ayon sa pahayag.

Ang subpoena ay inilabas noong Marso 31, 2026 sa ilalim ng awtoridad ni Committee on Justice Chairperson Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro ng Batangas at ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, na pinatotohanan ni Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil.