Fajardo

Nangako si Romualdez ng buong kooperasyon, iginiit ang paggalang sa proseso ng Ombudsman

103 Views

BINIGYANG-DIIN ng kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez noong Lunes ang kahandaan nitong makipagtulungan sa mga awtoridad, habang iginiit ang paggalang sa due process sa gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y inihahandang kasong plunder laban sa dating Speaker.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, ganap silang makikipagtulungan sa Office of the Ombudsman sakaling magsimula ang pormal na proseso.

“Iginagalang namin ang mga proseso ng Office of the Ombudsman at buong makikipagtulungan kung at kailan magsimula ang isang pormal na pagdinig,” ani Fajardo.

“Napansin namin ang mga ulat sa balita tungkol sa umano’y paghahanda ng isang reklamo na kinasasangkutan ni Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez,” dagdag niya.

“Upang maging malinaw, ito ay tumutukoy lamang sa iniulat na paghahanda ng reklamo—wala pang naihahain na kaso, wala pang natutukoy na probable cause, at wala pang pagpapasya ukol sa pananagutan sa kasalukuyan,” paliwanag ni Fajardo.

Dagdag pa niya, nagtitiwala sila na susunod ang Ombudsman sa itinakdang pamantayang legal sa pagsusuri ng mga kaso.

“Nagtitiwala kami na ganap na susunod ang Ombudsman sa circular na kanyang ipinatupad at nilagdaan noong siya ay Kalihim pa ng Department of Justice, na nagsasaad na ang mga piskal ng DOJ ay dapat lamang mag-usig ng mga kasong may ‘makatwirang katiyakan ng hatol na pagkakasala,’” aniya.

Iginiit din ng kampo na sa kasalukuyan ay wala pang ebidensya na nag-uugnay kay Romualdez sa mga paratang kaugnay ng mga proyektong flood control.

“Nais naming bigyang-diin na hanggang ngayon, wala pang ebidensya na nag-uugnay kay Rep. Romualdez sa anumang ghost o substandard na proyekto kaugnay ng usapin sa flood control,” ani Fajardo.

“Nananatili kaming kumpiyansa na ang mga usaping ito ay mareresolba batay sa ebidensya at due process—hindi sa pulitika o haka-haka,” dagdag pa niya.