Madriaga1

Pinatawan ng subpoena ng House panel si Madriaga kaugnay ng confi funds

98 Views

Madriaga2NAGLABAS ng subpoena ang House Committee on Justice laban kay Ramil Lagunoy Madriaga, ang umano’y “bagman” ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, upang tumestigo at magsumite ng mahahalagang ebidensya sa nagpapatuloy na impeachment proceedings kaugnay ng paggamit ng confidential funds.

Sa isang subpoena ad testificandum et duces tecum na may petsang Marso 31, 2026, inatasan ng komite si Madriaga—na kasalukuyang nakadetine sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City—na humarap sa mga mambabatas sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga sa House of Representatives sa Quezon City.

“Ikaw ay inaatasang humarap sa Committee on Justice sa Abril 14, 2026, alas-10:00 ng umaga, sa ikalawang palapag ng People Center, House of Representatives, at magsumite ng mga sumusunod na dokumento,” ayon sa kautusan.

Inatasan si Madriaga na iharap ang “mga orihinal na kopya” ng isang “affidavit na may petsang Nobyembre 29, 2025,” pati na rin ang “anumang iba pang ebidensya na nasa iyong pag-iingat.”

Inilatag sa subpoena ang umano’y papel niya sa paghawak ng confidential funds na may kaugnayan sa Office of the Vice President at Department of Education.

“Nagtrabaho ka para sa Bise Presidente at bumuo ng Vice-Presidential Security and Protection Group (VPSPG). Mula 2022 hanggang 2023, tinanggap mo ang confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education mula kay VPSPG Col. [Raymund Dante] Lachica at inihatid ang mga ito sa mga kaibigan at kakilala ng Bise Presidente,” ayon sa dokumento.

Ayon sa komite, hinihingi ang mga dokumento at testimonya kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte na inendorso ng ilang mambabatas.

Ang kautusan ay inilabas “sa kapangyarihan ng Komite” at nilagdaan ni Justice Committee chairperson Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas, ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, at pinagtibay ni Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil.

Isinasagawa ng House panel ang mga pagdinig upang matukoy kung may sapat na batayan upang iakyat ang mga reklamong impeachment sa plenaryo para sa posibleng pagpapasa nito sa Senado.