Calendar
Sen. Win: DA dapat palawakin sakop ng Kadiwa stores
HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Agriculture (DA) na palawakin ang mga Kadiwa stores upang makapagbigay ng mga murang bilihin sa mga sektor na apektado ng krisis dahil sa gyera sa Middle East.
Ayon sa senador, dapat masakop ng pagpapalawak ang mga geographically isolated and disadvantaged areas upang matiyak na ang mga senior citizens, solo parents, persons with disabilities at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay may access sa mga pangunahing pagkain.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mismong ang DA ang nagbigay ng projection na tataas ang presyo ng pagkain dahil sa pagmahal ng presyo ng petrolyo.
“Dapat abot-kaya ang murang bilihin ng bawat Pilipino, hindi lang sa Metro Manila kundi hanggang sa pinakamalayong komunidad, dahil lahat tayo ay apektado ng krisis sa Middle East,” ani Gatchalian.
Sinabi ng senador na kabilang ang mungkahing ito sa mga rekomendasyong inihain ng Senate PROTECT Committee, na kanyang pinamumunuan.
Binanggit din niya na mahalagang bahagi ng proyektong Kadiwa ng Pangulo ang Rice for All Program kung saan binibili ng pamahalaan ang palay mula sa mga magsasaka at ibinebenta ang bigas sa mas abot-kayang presyo.
Idinagdag niya na ang pagpapalawak sa saklaw ng programa ay makatutulong din sa lokal na ekonomiya ng agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay sa mas maraming magsasaka ng garantisadong pamilihan para sa kanilang ani.

