Calendar
Sen. Ping: Mahigpit na hakbang kailangan sa proteksyon ng mamamayan
NANAWAGAN si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng mahigpit na hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Binigyang-diin ni Lacson na ang anumang ginhawang dulot ng posibleng pagsuspinde ng excise tax sa fuel ay maaaring maramdaman pa sa Hunyo.
Dapat ding isapubliko ng pamahalaan ang mga hakbang nito laban sa mga gasoline station at dealer na nahuling nagtataas ng presyo nang walang tamang pahintulot, ayon sa senador.
“May mga batas na pwedeng gamitin ang provision ng mga batas na ito dahil may state of energy emergency. Ngayon kung paano i-implement yan, at kailan gagamitin, kailan i-implement at paano i-implement, ‘yan ang mas importante,” aniya.
Sa ilalim ng Republic Act 8479 o Oil Industry Deregulation Act, maaaring pansamantalang i-takeover o pangasiwaan ng Department of Energy ang operasyon ng mga entidad sa industriya ng langis sa panahon ng pambansang emergency para sa kapakanan ng publiko.
Idinagdag niya na sa ilalim ng Republic Act 12120, maaari ring pansamantalang i-takeover o pangasiwaan ng DOE ang operasyon ng mga entidad sa industriya ng natural gas.
Pinahihintulutan naman ng Republic Act 9511 ang Pangulo na pansamantalang kunin at patakbuhin ang transmission at subtransmission systems ng National Grid Corp. of the Philippines o suspendihin ang operasyon nito para sa kapakanan ng kaligtasan, seguridad at kapakanan ng publiko.
“Extreme measures ‘yan pero kailangan ng government on their toes mag-monitor at kung may talagang pag-aabuso ang sektor na ito kailangan pumasok ang government,” sabi ng senador.
Ikinabahala rin ni Lacson na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na update ang pamahalaan kung paano pinarusahan ang mga gasoline station at dealer na nahuling nagbenta ng fuel sa mataas na presyo nang walang tamang pahintulot.
Itinuro rin ni Lacson na ang Republic Act 12316, na nagbibigay ng emergency powers sa Pangulo upang tugunan ang problema sa langis, ay nangangailangan ng isang buwang monitoring period bago maisuspinde ang excise tax sa fuel.
Dahil epektibo pa lamang ang batas sa Abril 12, Mayo 12 pa ang pinakamaagang petsa na maaaring magpulong ang Development Budget Coordination Committee upang magrekomenda ng posibleng pagsuspinde ng excise tax.
Maaari ring gamitin ang pondo para sa ayuda ngunit dapat tiyakin na data-driven ang sistema upang ang tunay na nangangailangan ang makinabang.

