Acidre Tingog Party-list Rep. Jude Acidre

Mas magandang PhilHealth package para sa HIV patients, pinuri ni Rep. Acidre

Mar Rodriguez Mar 2, 2025
20 Views

PINURI ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list noong Linggo ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 95 porsyentong pagtataas nito sa Outpatient HIV/AIDS Treatment (OHAT) Package, na mula ₱30,000 ay ₱58,500 na kada taon.

Naniniwala si Acidre na mas marami pang people living with HIV (PLHIV) ang mabibigyan ng angkop na pangangalaga at mag-uudyok sa iba pa na sumailalim sa regular na pagsusuri.

Saklaw ng pinalawak na OHAT Package ang antiretroviral therapy (ART) para sa lahat ng kumpirmadong HIV-positive, anuman ang kanilang kalagayan.

Tinitiyak din nito ang access sa mahahalagang serbisyo para sa epektibong paggamot ng HIV. Maaaring gamitin ng mga miyembro ng PhilHealth ang benepisyong ito sa 234 accredited HIV treatment centers ng Department of Health (DOH) sa buong bansa.

Noong 2024, naglabas ang PhilHealth ng kabuuang ₱1.66 bilyon para sa 176,819 outpatient HIV/AIDS package benefit claims, bilang patunay ng suporta nito sa PLHIV.

Ang pagpapahusay na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pagbutihin at panatilihin ang mga benepisyo sa kalusugan, upang matiyak ang sapat na suportang pinansyal para sa mga pasyenteng nangangailangan ng medikal na paggamot.

Ipinunto ni Acidre, tagapangulo ng House committee on overseas workers affairs, na napakahalaga ng pagbabagong ito dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas.

Iniulat ng DOH na may 4,595 kumpirmadong kaso ng HIV mula Hulyo hanggang Setyembre 2024, na may average na 50 bagong kaso kada araw.

Kapansin-pansin na 28 porsyento sa mga ito ay na-diagnose na may advanced HIV infection noong sila ay nasuri. Tinatayang aabot sa 215,400 ang kabuuang bilang ng PLHIV sa bansa hanggang 2024.

Nanatiling lubhang apektado ang Central Visayas, na ikaapat sa mga rehiyong may pinakamataas na bilang ng kaso ng HIV. Mula Enero hanggang Setyembre 2024, naitala ang 1,011 bagong kaso sa rehiyon, na may kabuuang bilang na 18,147 mula noong 1984.

Karamihan sa mga kasong ito ay mula sa mga indibidwal na may edad 15 hanggang 34, kung saan ang pangunahing sanhi ng transmission ay sexual contact, lalo na ang male-to-male transmission.

“Sa pagtaas ng benepisyo ng OHAT Package, inaasahan nating mas maraming kababayan ang magpapatingin at magpapagamot. Mahalaga ito upang maagapan ang paglala ng sakit at mapigilan ang pagkalat nito,” pahayag ni Acidre.

Bukod sa pinansyal na tulong, binigyang-diin ng mambabatas na maaaring mapalakas ng pinalawak na OHAT Package ang tiwala ng publiko sa HIV testing at paggamot.

Marami pa ring Pilipino ang nag-aatubiling magpasuri dahil sa stigma, ngunit ayon kay Acidre, ang mas madaling access sa paggamot at suporta mula sa gobyerno ay maaaring makatulong upang mabago ang ganitong pag-iisip.

“Ang pagpapalawak ng benepisyong ito ay hindi lamang tungkol sa pinansyal na tulong. Ito ay isang hakbang tungo sa pag-alis ng stigma na kaakibat ng HIV. Kapag alam ng mga tao na may sapat na suporta, mas magiging bukas sila sa pagpapasuri at pagpapagamot,” dagdag pa ni Acidre.

Muling ipinahayag ng PhilHealth na maaaring sabay na makinabang ang mga miyembro sa OHAT Package at sa Tuberculosis Directly Observed Treatment Short-course (TB-DOTS) benefit sa mga accredited facilities, upang matiyak ang ganap na pangangalaga para sa mga may ganitong kondisyon.

Nanawagan si Acidre na palakasin ang edukasyon at kampanya sa pagpapalaganap ng kaalaman upang suportahan ang pinalawak na benepisyo.

Iginiit niya na ang pagsunod sa safe practices, regular testing at pag-alis ng stigma sa HIV ay mahalagang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Kailangan nating palakasin ang edukasyon at kamalayan tungkol sa HIV. Ang tamang impormasyon at pag-unawa ay susi upang mapigilan ang paglaganap ng sakit na ito,” paghihimok pa ng kongresita.

Sa pamamagitan ng pag-unawa at pagtanggap, mas mapadadali ang pagsusuri at paggamot, na makakatulong sa mas epektibong pagkontrol sa pagkalat ng HIV.

“Ang hakbang na ito ng PhilHealth ay patunay ng kanilang dedikasyon sa kalusugan ng bawat Pilipino. Ngunit hindi dito nagtatapos; patuloy tayong magtutulungan upang mapabuti pa ang mga serbisyong pangkalusugan sa bansa,” dagdag pa ni Acidre.