Calendar
Mas mahigpit na hakbang vs aksidente sa kalsada isinulong
MULING nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel ng mas mahigpit na hakbang upang matugunan ang pagdami ng mga aksidente sa kalsada.
Nanawagan ang senador matapos ilabas ng Department of Health (DOH) na 577 na aksidente sa kalsada mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 2, 2025 ng naitala.
Si Pimentel ang may-akda ng Senate Bill No. 1015 na naglalayong amyendahan ang Article 365 ng Act No. 3815 (The Revised Penal Code) upang tugunan ang problema sa reckless driving at isulong ang kaligtasan sa kalsada.
Layunin ng panukala na magpatupad ng mas mahigpit na parusa para sa mga lumalabag sa batas-trapiko, pagbutihin ang edukasyon at pagsasanay para sa mga tsuper at palakasin ang imprastruktura ng kalsada.
Ipinaliwanag ni Pimentel na dapat maging mas aktibo ang gobyerno sa pagsasaayos ng kaisipan o kundisyong nagdudulot ng walang-ingat na pagmamaneho.
Layunin din ng panukalang batas na palakasin ang bisa ng batas sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Article 365 ng RPC upang taasan ang parusa ng pagkakakulong para sa imprudence at negligence.
“Maiiwasan at mababawasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na batas at pagpapahusay sa ating sistema ng transportasyon,“ dagdag pa ni Pimentel.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng kamalayan ng publiko at responsableng pagmamaneho. Hinimok niya ang mga motorista na unahin ang kaligtasan at sundin ang mga regulasyon sa trapiko.
“Tandaan natin na ang bawat buhay mahalaga. Maging responsable sa pagmamaneho at sundin ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente,” sabi ni Pimentel.