BHW Source: PNA file photo

Mas malakas na UHC, mataas na benepisyo sa BHW hiniling

15 Views

NANAWAGAN si Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na bigyan ng mas mataas na suporta ang mga frontliners sa barangay level, kasabay ng kanyang paninindigan na palakasin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa.

Kabilang sa kanyang mga hakbang ang pagsusulong ng mas mataas na kompensasyon at benepisyo para sa Barangay Health Workers (BHWs) at ang panawagan sa masusing pagsusuri ng Universal Health Care (UHC) law upang matugunan ang mga kakulangan nito.

Sa isang press conference sa Kapihan sa Senado, binigyang-diin ni Ejercito, isang matibay na tagapagtaguyod ng reporma sa healthcare, ang kanyang pagsuporta sa pagpasa ng Magna Carta for Barangay Health Workers. Ayon sa kanya, mahalagang bigyan ng proteksyon ang mga BHWs dahil sila ang unang humaharap sa mga serbisyong pangkalusugan sa mga pamayanan.

“Ang BHWs natin are considered as one of the most overworked and under-compensated,” aniya, binibigyang-diin na may mga manggagawa na kumikita lamang ng Php200 to Php400 kada buwan. “Ano pa mabibili mo dun?” tanong niya, na iginiit ang pangangailangan ng makatarungang sahod.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga BHWs sa mga third hanggang fifth-class municipalities ay makatatanggap ng P3,000 buwanang subsidiya mula sa pambansang pamahalaan, bukod pa sa mga allowances mula sa mga lokal na yunit ng gobyerno.

Ang batas ay nagbibigay rin ng iba pang benepisyo tulad ng transportation at subsistence allowances, insurance coverage, career advancement opportunities, legal assistance, at cash gift.

Ipinaliwanag ni Ejercito na ang programa ay mangangailangan ng P1.7 billion mula sa pambansang pondo, habang ang karagdagang P7 billion ay ibibigay sa pamamagitan ng cost-sharing arrangement kasama ang mga LGUs.

“I know that this is really ambitious but I think it’s really doable and affordable. It’s our BHWs. I think they are justified to receive this because they are part of our preventive health care system,” aniya.

Kumpiyansa ang senador na maisusulong sa House of Representatives ang kanilang counterpart bill upang matiyak ang sapat na pondo at maayos na implementasyon ng programa.

Bukod sa pagsusulong ng mga benepisyo para sa barangay health workers, binigyang-diin din ni Ejercito ang pangangailangang suriin ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) law, lalo na ang mga kakulangan ng PhilHealth sa pagbibigay ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.

“I will ask Senator Bong Go as chairman of the Committee on Health to give me the authority to convene the oversight committee on the implementation of the Universal Health Care law,” aniya, binabanggit na ang programa ay nasa ikalimang taon na kaya’t nararapat itong masusing suriin.

Pinuna rin ng senador ang PhilHealth sa kabiguan nitong pababain ang gastos ng mga pasyente sa serbisyong pangkalusugan, na isa sa pangunahing layunin ng UHC law.

“They failed miserably in the implementation in the sense that yung pong intent ng Universal Health Care, which is to lower down the out-of-pocket expense, na ibaba pa, dapat yun ang ginawa nila,” sinabi niya.

Bukod dito, binatikos din ni Ejercito ang malaking reserbang pondo ng PhilHealth na hindi nagagamit para sa pagpapabuti ng serbisyo.

“Nakakalungkot magde-declare ka ng Php89 billion na excess, may Php500 billion na reserve fund… They are a public corporation, public entity na dapat ginagamit yan,” aniya.

Plano ni Ejercito na ipatawag ang oversight committee sa Pebrero o Marso upang matukoy ang mga pagkukulang sa implementasyon ng UHC at magmungkahi ng mga kinakailangang amyenda sa batas.

“Marami silang pinasok. I’m appealing to them: let’s just concentrate on the provisions provided in the UHC law and propose necessary adjustments after the oversight committee review,” dagdag niya.

Ani Ejercito, patuloy niyang itutulak ang mga repormang ito upang matiyak na ang healthcare system ng bansa ay mas epektibong magsisilbi sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa pinakamahihirap na sektor ng ating bansa na umaasang matutulungan sila ng PhilHealth sa panahon na kailangan nila ito.