Calendar
Mas maraming ani sa Bataan inaasahan
DINALUPIHAN, Bataan–Maging ang palayan may moderno na ring teknolohiya para dumami ang ani, ayon kay Congresswoman Gila Garcia ng 3rd district ng Bataan.
Nasabi ito ng kongresista pagkatapos maisagawa kamakailan ang Climate Resilient Farm Business School- Farmers Field School (CRFBS-FFS) Field Day Activity sa Brgy. San Simon, Dinalupihan.
“Layunin ng gawain na maipakita sa mga magsasaka ang magandang resulta ng produksyon ng palay na ginamitan ng siyentipiko at progresibong paraan,” ayon sa pulitiko.
Sinabi ni Garcia na pinakita ng gawain ang mga datos ng pinagkumparang tradisyonal na pamamaraan ng pagsasaka at ng demo farm na ginamitan ng siyentipiko at makabagong pamamaraan na tagumpay na paraan sa pagsasaka.
“Patuloy lamang po ang inyong lingkod sa pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya at pagsusumikap upang makamit ang ating nagkakaisang layunin na mapataas ang kita ng ating mga magsasaka,” dagdag ng Bataan solon.
Sinabi ni Gov. Joet Garcia na ang Consolidated and Fully Mechanized Project ni Congresswoman Gila Garcia ginamitan ng masusing pag-aaral mula sa pagsusuri ng lupa, pagpili ng pananim, tamang pagpapatubig, paggamit ng mga makinarya o makabagong teknolohiya, pagkakaroon ng magandang ani habang umaangkop sa pagbabago ng klima.