VP Sara Vice President Sara Duterte

Mas maraming ‘Mary Grace Piattos’ nakinabang sa confidential funds ng OVP ni VP Sara Duterte

76 Views

SA pinakabagong beripikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ipinadala sa House committee on good government, nadiskubre na halos two-thirds ng mga indibidwal na nakalista bilang benepisyaryo ng P500 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ay walang birth records.

Ayon sa PSA, na naatasang suriin ang civil registry records ng 1,992 katao na konektado sa kontrobersyal na pondo, 1,322 sa mga ito ang walang birth records sa kanilang database.

Tanging 670 pangalan lamang ang “most likely matched” sa mga umiiral na rekord, ayon pa sa PSA.

Dagdag pa rito, napag-alaman ng PSA na sa 1,992 pangalan na isinumite para sa beripikasyon, 1,456 ang walang marriage records at 536 lang ang may posibleng tugma. Samantala, 1,593 ang walang death records at 399 lamang ang may katugmang entries.

Ang resulta ng pagsusuri ay nakadetalye sa isang liham na may petsang Disyembre 11 mula kay National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa na ipinadala kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, pinuno ng House Blue Ribbon committee.

Ang kasalukuyang batch ng mga pangalang nasa ilalim ng pagsusuri ay lumabas sa mga acknowledgment receipt (AR) na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) upang bigyang-katwiran ang paggamit ng confidential funds mula huling bahagi ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.

Ayon kay Chua, ang pinakabagong findings ng PSA ay nagbibigay ng matibay na ebidensya na ang mga AR na isinumite upang ipaliwanag ang paggamit ng P500 milyong confidential funds ay malamang na peke.

“This certification from the PSA leaves little doubt—if these names cannot be found in the civil registry, it strongly suggests they do not exist. The ARs may have been manufactured to justify the disbursement of confidential funds,” ani Chua.

Dagdag niya, “These findings raise a critical question: if the recipients don’t exist, where did the money go? This is not just a clerical error; this points to a deliberate effort to misuse public funds.”

Ang beripikasyon ay kasunod ng naunang findings ng PSA ukol sa mga rekord na may kaugnayan sa hiwalay na P112.5 milyong confidential funds na ginastos ng Department of Education (DepEd) noong panahon ni Duterte bilang kalihim noong 2023.

Sa 677 pangalang inimbestigahan sa kasong iyon, 405 ang walang birth records, 445 ang walang marriage certificates at 508 ang walang death certificates.

Isang pangalan sa mga resibo ng DepEd, “Mary Grace Piattos,” ang naging simbolo ng duda ng publiko matapos kumpirmahin ng PSA na walang ganitong tao sa kanilang civil registry database.

Ang pangalang ito, na napansin ng marami bilang kombinasyon ng isang sikat na restaurant at snack brand, ay naging representasyon ng umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds.

Isa pang pangalan, “Kokoy Villamin,” ang lumabas sa parehong resibo ng OVP at DepEd ngunit may magkaibang lagda.

Gaya ni Piattos, kinumpirma rin ng PSA na walang rekord si Villamin sa civil registry, na lalo pang nagpalakas ng hinala ukol sa mga pekeng benepisyaryo.