Ilocos Isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagsusuri sa tatlong kilo ng shabu na isinuko ng mga mangingisda sa Ilocos Norte noong Hunyo 12 at 13, 2025. Ang tatlong pakete ng shabu, na nagkakahalaga ng P20.4 milyon, ay may mga Chinese characters.

3 taga-Ilocos Norte isinauli nakitang lumulutang P20.4M shabu

Alfred Dalizon Jun 15, 2025
263 Views

TATONG tapat na taga-Ilocos region ang nagsauli ng tatlong pakete na naglalaman ng tig-iisang kilo ng shabu na kanilang natagpuan sa baybayin ng Ilocos Norte, ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isagani Nerez noong Linggo.

Ayon sa ulat, isa sa tatlo ay karaniwang mamamayan, habang ang dalawa ay mga mangingisda.

Natagpuan nila ang mga ilegal na droga na may kabuuang halagang P20.4 milyon na palutang-lutang sa dalampasigan ng Brgy. Pangil sa Currimao; Brgy. 33-A at La Paz sa Laoag; at Brgy. Masintoc sa Paoay noong Huwebes at Biyernes.

Ang mga pakete ng shabu, na nakalagay sa plastik at may mga Chinese character, ay isinuko sa PDEA Ilocos Norte Provincial Office, Police Regional Office 1 at Philippine Coast Guard.

“Tuluy-tuloy ang retrieval operations at paggalugad sa mga baybaying dagat hanggang masiguro na nalibot ang lahat ng lugar.

Patunay ito ng matibay na pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, kasama ang mga lokal na pamahalaan at mga komunidad sa tabing-dagat, upang maprotektahan ang ating karagatan laban sa smuggling at trafficking ng ilegal na droga,” ayon kay Nerez.

Hanggang noong Biyernes, umabot na sa kabuuang 1,243.12 kilo ng ‘floating shabu’ na may halagang P8,453,216,000 ang naisuko sa mga awtoridad ng mga mamamayan mula sa Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.

Kinilala ng PDEA at ni PNP chief General Nicolas Torre III ang mga nakakita ng ilegal na droga bilang mga “makabagong bayani ng Pilipinas.”