Calendar
Inanunsyo ni Gen. Samuel Toba, pinuno ng Papua Immigration and Correctional Services Directorate, nitong Sabado (Hunyo 14, 2025) na ipapadeport ng Biak Numfor Immigration Office ang 26 Pilipinong mamamayan dahil sa kawalan ng wastong mga dokumento. Inaresto sila noong Mayo 9 dahil sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Indonesia at nakatakdang i-deport sa Hunyo 17. PNA/ANTARA/Larawan ni Muhsidin
Indonesia ipapadeport miyembro ng 2 PH bangka na naaresto sa illegal na pangingisda
BIAK, Papua – Ipapadeport ng Biak Numfor Immigration Office sa Papua ang 26 na tripulante mula sa dalawang bangkang pangisda ng Pilipinas na inaresto dahil sa ilegal na pangingisda sa karagatang sakop ng Indonesia noong Mayo 9, ayon sa isang opisyal ng pamahalaan nitong Sabado.
Ayon kay Gen. Samuel Toba, pinuno ng Papua Immigration and Correctional Services, ang mga Pilipinong tripulante ay ipapadeport dahil sa kawalan ng tamang mga dokumento sa darating na Hunyo 17 sa pamamagitan ng Frans Kaisiepo Airport sa Biak.
Sa isang press briefing na dinaluhan din ni Jose Rizal, pinuno ng Biak Numfor Immigration Office, sinabi ni Toba na umaasa silang mas mapapabilis ang proseso ng deportasyon ng mga crew ng FB Twin J-04 at YB Yanreyd-293.
Aniya, ang agarang pagpapauwi ay makatutulong upang mabawasan ang stress at pag-aalala ng mga tripulanteng nananatili sa Biak mula nang hulihin ang kanilang mga bangka noong Mayo 9 at sumailalim sa legal na proseso.
Para mapadali ang deportasyon, nakipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa Embahada ng Pilipinas sa Jakarta at Konsulado ng Pilipinas sa Manado, North Sulawesi, kaugnay ng travel documents ng mga deportado bilang kapalit ng pasaporte, dagdag pa ni Toba. PNA/Antara

