Suspek Inaresto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang dalawang indibidwal dahil sa mga paglabag sa trapiko sa kahabaan ng Filipinas Avenue, Parañaque City noong Biyernes (Hunyo 13, 2025). Kalaunan ay nadiskubre ng mga awtoridad na isa sa kanila ay sangkot sa panlilinlang sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang kaanak ng First Family upang makakuha ng kontrata sa gobyerno. Larawan mula sa PNP-HPG

2 inaresto sa paglabag sa trapiko, buking din sa kotong gamit pangalan ng Unang Ginang

444 Views

DALAWANG indibidwal na inaresto ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) dahil sa paglabag sa batas-trapiko ang nadiskubreng sangkot sa isang extortion scheme kung saan ginamit ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Ayon kay HPG Director Brig. Gen. Eleazar Matta, sina “Joselito” at “JJ Café” ay nahuli matapos mapatigil ang kanilang sasakyan na may iligal na blinker at gumagamit ng protocol plate number “12” (para sa Cabinet Undersecretary) sa Filipinas Avenue, Parañaque City noong Biyernes.

Nakuha rin mula sa kanila ang isang 9mm na baril, mga bala, handheld radios, tatlong bulletproof vest, at isang C-4 explosive.

“Iniimbestigahan pa namin dahil tila handa sila sa armadong engkuwentro. Bakit may dala silang C-4?,” pahayag ni Matta sa press conference sa Camp Crame, Quezon City nitong Linggo.

Ayon pa sa kanya, may kasunod na operasyon dahil may ulat na isa pang sasakyan ang nakatakas.

Ibinunyag naman ni Ambassador Markus Lacanilao, Special Envoy on Transnational Crime, na si Joselito ay kabilang sa tatlong naaresto sa isang entrapment operation sa Pasay City noong Marso ng nakaraang taon ngunit nakapagpiyansa.

Ang grupo umano ni Joselito ay nagbanta sa isang emission testing business na ipasasara ito kung hindi magbibigay ng P5 milyon.

Kinumpirma rin ni Lacanilao na si JJ Café ang parehong taong nagpanggap bilang undersecretary mula sa Office of the President at kaanak umano ng Unang Ginang upang makakuha ng kontrata sa gobyerno.

“Humihingi sila ng pera kapalit ng pag-apruba ng mga negosyo gaya ng gamot at emission testing. Ipinapakita pa nila ang video kung saan nagpapakilalang undersecretary ang lalaki,” ani Lacanilao.

Hinimok niya ang publiko na huwag magpaloko sa mga ganitong pananakot gamit ang pangalan ng First Family at agad i-report ito sa mga awtoridad.

Dagdag ni Matta, sasampahan ng patong-patong na kasong kriminal sina Joselito at JJ Café. Philippine News Agency