Tugade

Mas maraming proseso ng LTO gagawing digital

245 Views

MAS maraming proseso ng Land Transportation Office (LTO) ang gagawing digitalize sa ilalim ng administrasyong Marcos.

“Kami po sa LTO ngayon, isa po sa mga proyekto na isinusulong po namin ay ang digitalization sa aming ahensya. Isa po sa mga ginagawa namin para mapagtibay ang digitalization ay talagang pinapadali namin iyong pag-transact ng mga publiko sa ahensya po namin,” sabi ni LTO chief Jose Arturo Tugade.

Bukod sa pagrerehistro ng mga sasakyan at pagkuha ng lisensya, pinag-aaralan umano ng LTO ang pag-digitalize ng mga transaksyon sa iba pang stakeholder gaya ng dealer, manufacturer, at assembler.

“Kasama na rin po doon sa mga stakeholders na ating gustong mapadali iyong kanilang transaksyon – hindi lang po iyong mga nag-a-apply ng mga lisensya, hindi lang iyong mga nagrirehistro ng kanilang mga sasakyan pati na rin po iyong ating mga stakeholders na dealers, manufacturers, assemblers, importers, rebuilders – iyong mga proseso kung paano po sila nagta-transact sa ating ahensya, tinitingnan din natin yan kung saan kami makakatulong at paano po namin mapapagaan iyong kanilang transaction,” sabi ni Tugade.

Sa ilalim ng online na proseso sa pagrerehistro ng sasakyan, ang kailangan na lamang umano ng may-ari ay ang inspection receipt mula sa private motor vehicle inspection center at ang Compulsory Third Party Liability (CPTL) car insurance.

“Kaya po napadali ito dahil iyong may-ari ng kotse, hindi na kailangan lahat gawin ito ng isang araw,” dagdag pa ni Tugade. “So ‘pag meron na po kayo noong dalawang prerequisite, iyong mandatory fields natin, punta na po kayo sa computer ninyo tapos lagay ninyo lang iyong inspection receipt number tapos ilagay ninyo iyong certificate of cover; pagkatapos po noon bayaran ninyo na online and then iyon na po.”

Ang digitalization ay gagamitin umano ng LTO upang malabanan ang mga fixer at korupsyon.

Mayroong nilagdaang memorandum of agreement ang LTO at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa digitalization ng ahensya.