PBBM

Mas masigla, pantay na ekonomiya inaasahan sa CMEPA

22 Views

OPORTUNIDAD ay dapat para sa lahat ng Pilipino.”
Ito ang mensahe ni Senador Sherwin Gatchalian matapos tuluyang maisabatas ang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), na layuning palawakin ang akses ng mga Pilipino sa capital markets at hikayatin ang mas malawak na partisipasyon sa pamumuhunan.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Ways and Means at pangunahing tagapagtaguyod ng panukala, iginiit ni Gatchalian na ang bagong batas ay hindi lamang para sa malalaking negosyo kundi para rin sa karaniwang mamamayan.

“Hindi lang ito para sa malalaking negosyo. This law empowers every Filipino to be part of wealth creation. Panahon na para palawakin ang oportunidad – para sa lahat, hindi lang sa iilan,” aniya.

Ipinaliwanag niyang layunin ng CMEPA na bawasan ang mga hadlang sa pamumuhunan sa pamamagitan ng mga reporma tulad ng pagbawas sa buwis. Mula sa dating 0.6%, ang stock transaction tax ay ibinaba na sa 0.1%, habang ang documentary stamp tax sa orihinal na paglalabas ng shares ay mula 1% ay naging 0.75%.

Ayon kay Gatchalian, ang mga pagbabagong ito ay makatutulong upang mapababa ang gastos sa pamumuhunan, mapataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan—lalo na ang mga baguhan—at pasiglahin ang merkado.

Dagdag pa niya, bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya na gawing mas inklusibo ang sistemang pinansyal ng bansa.

Sa kasalukuyan, kakaunti lamang ang mga Pilipinong aktibong kalahok sa stock market. Sa pamamagitan ng CMEPA, nais ng pamahalaan na baguhin ang ganitong kalakaran.

Iminungkahi rin sa ulat na ang mataas na transaction costs noon ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang hindi nakikilahok sa merkado, at kung bakit nahuhuli ang Pilipinas sa kompetisyon sa mga kalapit na bansang gaya ng Singapore at Thailand.

Ngayon, sa pagbawas ng buwis sa ilalim ng CMEPA, umaasa si Gatchalian na magiging mas kaakit-akit na ang Pilipinas sa parehong lokal at dayuhang mamumuhunan.

Ang mga repormang ito ay nagpapakita, aniya, ng seryosong hangarin ng bansa na ayusin at palakasin ang financial system upang makabuo ng isang mas masigla at pantay na ekonomiya.

“This law empowers every Filipino to be part of wealth creation,” muling binigyang-diin ni Gatchalian—isang patunay na ang layunin ng batas ay ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon para sa lahat na makinabang sa paglago ng ekonomiya.