Calendar
Mas mataas na honoraria ng barangay officials itinulak ng TINGOG party-list
ITINULAK nina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre ang pagpapataas ng honoraria na natatatanggap ng mga opisyal ng barangay at bigyan ng allowance ang mga tanod at Lupang Tagapamayapa.
Sinabi nina Romualdez at Acidre na panahon na upang amyendahan ang Local Government Code na naisabatas noong 1991 o Republic Act (RA) 7160.
Sa ilalim ng RA 7160, ang mga Punong Barangay ay makatatanggap ng honorarium na hindi bababa sa P1,000 kada buwan samantalang ang mga Sangguniang Barangay member, Barangay Treasurer at Barangay Secretary ay tig-P600.
Walang nakasaad na honorarium sa naturang batas para sa mga Barangay tanod.
Sa ilalim ng House Bill 2349 na itinutulak ng mga kinakatawan ng TINGOG party-list, ang honorarium ng Punong Barangay ay hindi dapat bumaba sa P3,500.
Ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay, barangay treasurer, secretary at tanods ay tatanggap naman ng hindi bababa sa P2,500 kada buwan.
“This bill seeks to provide a compensation package commensurate with the work and services the barangay officials extend to their constituents and to encourage and professionalize the recruitment of barangay officials,” sabi ng mga may-akda.