Calendar
Mas matibay na suporta para bamboo industry mapaunlad panawagan ni Speaker Dy
NANAWAGAN si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ng mas matibay na suporta mula sa pamahalaan at pribadong sektor upang mapaunlad ang competitive industry ng kawayan na maaaring lumikha ng pangmatagalang kabuhayan para sa mga magsasaka at trabaho sa mga komunidad sa kanayunan.
Sa kanyang pagdalo sa programang “Building the Future with Bamboo,” sinabi ni Speaker Dy na matagal na niyang isinusulong ang pagtatanim ng kawayan, partikular sa Isabela.
Ayon sa Speaker, nagsimula ang kanyang adbokasiya noong siya ay gobernador pa ng Isabela nang hikayatin niya ang mga komunidad na magtanim ng kawayan sa paligid ng Cagayan River bilang proteksiyon sa mga dalisdis at watershed.
“Taon na ang nakalipas, noong ako ay gobernador, hinikayat ko ang mga taga-Isabela na magtanim ng kawayan sa kahabaan ng Cagayan River para sa proteksiyon ng mga dalisdis at ating mga watershed,” sabi ni Dy.
Nakita niya noon si dating Agriculture Secretary Cito Lorenzo na tumulong upang makita kung paano ito maaaring maging pinagkukunan ng trabaho at pangmatagalang kita para sa mga komunidad.
Hindi lamang pangkalikasan ang pakinabang ng kawayan. Maaari rin itong maging dagdag na pagkakakitaan ng mga magsasaka at suportahan ang mga negosyo at manufacturing sa mga probinsiya.
“Ang paniniwalang iyan ay nananatili hanggang ngayon: gawing matatag at sustainable na kabuhayan at economic driver ang kawayan, hindi lamang para sa ating lalawigan kundi para sa buong bansa,” pahayag nito.
Binigyang-diin niyang bawat produktong gawa mula sa kawayan ay maaaring magbigay ng dagdag na kita sa mga magsasaka, manggagawa at kanilang mga pamilya.
Hindi sapat ang pagtatanim lamang. Kailangang mabuo ang buong value chain mula produksyon, pagproseso at manufacturing hanggang construction at marketing, ayon sa Speaker.
Ayon kay Dy, isinusulong na rin sa Kamara ang ilang panukalang batas na makatutulong na pagdugtungin ang iba’t ibang bahagi ng industriya ng kawayan.
Kabilang dito ang panukalang magpapalakas sa Republic Act No. 7900 o High-Value Crops Development Act of 1995 na inaprubahan na ng House Committee on Agriculture and Food.
Sa ilalim ng panukala, kikilalanin ang kawayan bilang parehong high-value at industrial crop habang itatatag ang isang pambansang programa para sa development ng high-value crops at bioeconomy, kabilang ang bamboo component na mag-uugnay sa mga magsasaka sa industriya at merkado.
Binanggit din ng Speaker ang HB 10312 o panukalang Bamboo for a Sustainable and Climate-Resilient Built Environment Act na naglalayong suportahan ang research, standards at training para sa mas malawak at ligtas na paggamit ng kawayan sa konstruksyon.

