Quiboloy

Masusubukan ang tapang ni Quiboloy sa pagharap sa Senado

112 Views

MASUSUBUKAN umano ang tapang ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy kung haharap ito sa pagdinig ng Senado at Kamara de Representantes na kapwa naglabas na ng subpoena para siya ay puwersahing dumalo sa kani-kanilang pagdinig.

Si Quiboloy, isang prominenteng religious figure at lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ay pinapaharap sa pagdinig ng Senado at Kamara upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Sa Senado, si Quiboloy ay inakusahan ng iba’t ibang krimen gamit umano ang KOJC.

Sa Kamara naman iniimbestigahan ang mga paglabag umano ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa prangkisa nito. Si Quiboloy ang sinasabing beneficial owner ng SMNI na inakusahan ng red-tagging at pagpapakalat ng mga pekeng impormasyon.

Isinusulong sa Kamara ang pagbawi ng Kongreso sa prangkisa na ibinigay sa SMNI. Nauna ng sinuspindi ng National Telecommunications Commission at Movie, Television Review and Classification Board ang broadcast operation ng SMNI at dalawang programa nito.

Kapwa nagpalabas ng subpoena ang dalawang Kapulungan ng Kongreso matapos na hindi dumalo sa mga naunang imbitasyon sa kanya.

Sa pagdinig ng Senado, humarap naman ang mga dating miyembro ng KOJC upang isiwalat ang mga mali umanong gawain ng naturang religious group.

Iginiit ng chairperson ng komite sa Senado na si Sen. Risa Hontiveros ang kahalagahan na humarap si Quiboloy upang sumagot sa mga alegasyon laban dito.

Ayon sa kampo ni Quiboloy politically motivated ang imbestigasyon ng Senado at Kamara.

Naniniwala rin ang mga suporter nito na ang motibo ng imbestigasyon ay pahiyain si Quiboloy at ang KOJC.

Iginiit nila na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kanilang lider at bahagi lamang ng kampanya upang sirain ang reputasyon at impluwensya nito.