Calendar
Mataas na kaso ng “dietary sodium intake” ng mga Pinoy ikinabahala
IKINABABAHALA ngayon ng ANAKALUSUGAN Party List Group ang tumataas na “dietary sodium intake” ng mga Pilipino na maaaring magresulta sa iba’t-ibang uri ng sakit tulad ng high blood pressure, heart disease, stroke, sakit sa bato, cáncer at iba pang kahalintulad na karamdaman.
Dahil dito, binigyang diin ni ANAKALUSUGAN Party List Congressman Ray T. Reyes na mahalagang matugunan ng Pilipinas ang panawagan ng World Health Organization (WHO) na magpatupad ng polisiya o patakaran upang mabawasan ang pagkonsumo ng asin ng mga Pilipino.
Sinabi ni Reyes na lumabas noong nakalipas na October 2022 batay sa pag-aaral ng Department of Health (DOH) na umabot sa tinatayang 4,113 mg ang dietary sodium intake ng mga Pilipino na higit pa sa dapat ay kulang sa 2,000 mg sodium na puwedeng ikonsumo ng isang tao kada araw.
Ipinaliwanag ni Reyes na kailangan maaksiyunan aagad ang kasong ito para maproteksiy unan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino at miwasan ang mga sakit na maaaring ibunga ng “sodium intake”.
Bunsod nito, pinayuhan ni Reyes ang mga Pilipino na bawasan o kauntian ang inilalagay na asin sa kanilang mga pagkain upang maiwasan ang magiging pinsala nito sa kanilang kalusugan.
Tiniyak din ng kongresista na patuloy na isusulong ng ANAKALUSUGAN Party List Group ang pagbibigay ng konsiderasyon sa kalusugan ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng paglalatag ng pamahalaan ng mga polisiya at paglalatag ng pondo kaugnay sa implementasyon ng universal health care (UHC).
Kasabay nito, sinabi pa ni Reyes na patuloy nilang isusulong ang mga panukalang batas na makakatulong para mapabuti ang kalusugan ng mga Pilipino tulad ng pagkakaroon ng libreng medical checkups.