Khonghun Zambales Rep. Jay Khonghun

Mataas na trust rating patunay ng Pangulong Marcos hindi ‘lame duck’

311 Views

ANG near majority trust rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kalagitnaan ng kanyang termino ay patunay umano na siya ay hindi pa isang lame duck gaya ng sinasabi ng kanyang mga kritiko.

Kasabay nito ay kinikilala rin ni Zambales Rep. Jay Khonghun ang mataas na rating ng Kamara de Representantes at ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, ang Speaker ng ika-19 na Kongreso. Aniya, ang naturang pagtaas ay nangangahulugang mas matibay na suporta mula sa lehislatura para sa Pangulo at sa kanyang mga programa at bisyon para sa Bagong Pilipinas.

Nagbigay ng pahayag si Khonghun bilang tugon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakitang tumaas ng 12 percentage points ang trust rating ni Pangulong Marcos Jr.—mula 36 porsiyento noong Abril, naging 38 porsiyento noong Mayo, at umabot sa 48 porsiyento nitong Hunyo.

Ayon din sa parehong survey, ang trust rating ng Kamara ay tumaas ng 23 percentage points sa huling tatlong buwan ng ika-19 na Kongreso—mula 34 porsiyento noong Abril, naging 49 porsiyento noong Mayo, at umabot sa 57 porsiyento nitong Hunyo.

Nagtapos ang termino ng nakaraang Kongreso noong Hunyo 30.

Ipinakita rin sa SWS poll ang kahalintulad na pagtaas ng tiwala kay Romualdez sa parehong panahon—mula 23 porsiyento noong Abril, naging 26 porsiyento noong Mayo, at umabot sa 34 porsiyento noong Hunyo.

“President BBM remains to be a strong, an effective and a compassionate leader,” aniya.

Tungkol naman kay Rep. Romualdez ng unang distrito ng Leyte, sinabi ni Khonghun: “Our leader in the House is the principal ally of President BBM in Congress. An improvement in the trust level of Speaker Romualdez and in our chamber means expanded support for PBBM and his Bagong Pilipinas and Agenda for Prosperity roadmap.”

“The President can continue to rely on Speaker Romualdez to make his vision and programs a reality,” dagdag niya.