Quiboloy

Matapos si Señor Aguila, Hontiveros nakatuon naman kay Quiboloy

120 Views

MATAPOS na maipakulong ang pinaniniwalaang lider ng kulto na si Señor Aguila, itinuon naman ni Senator Risa Hontiveros ang kanyang atensyon kay Pastor Apollo Quiboloy at religious group nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ang hakbang na ito ay indikasyon umano na nais ni Hontiveros na matugunan ang mga isyu na kinasasangkutan ng mga religious figure at mga sekta upang matiyak na mayroong accountability at transparency sa paghahanap ng hustisya.

Noong Nobyembre, hinuli ng National Bureau of Investigation (NBI) si Jey Rence “Señor Aguila” Quilario at mga kasama nito sa Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI).

Si Quilario at mga kasama nitong sina SBSI leaders Mamerto Galanida, Karen Sanico Jr., at Janeth Ajoc ay hinuli matapos ang isinagawang imbestigasyon ng Senado sa mga pang-aabuso umanong ginawa ng SBSI.

Nahaharap sila ngayon sa kasong kriminal dahil sa paglabag umano sa Republic Act No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at mga alegasyon ng pang-aabuso sa karapatang-pantao.

Matatandaan na pinangunahan ni Hontiveros ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y panggagahasa, pang-aabusong sekswal, at child marriage na ginagawa umano ng SBSI na kilala rin bilang Omega de Salonera, sa Socorro, Surigao del Norte.

Ang organisasyon, na mayroong 3,650 miyembro kabilang ang 1,587 bata ay nag-o-operate sa isang bantay-saradong bundok sa Sitio Kapihan, kung saan si Quilario ay pinaniniwalaan na isang “Messiah.”

Matapos ito, itinuon naman ni Hontiveros ang kanyang atensyon kay Quiboloy, ang religious leader na iprinoklama ang kanyang sarili bilang “appointed son of God.”

Ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equity, na pinamumunuan ni Hontiveros ay nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon sa Enero 23 kaugnay ng mga akusasyon laban kay Quiboloy at KOJC.

Nauna rito ay naghain si Hontiveros ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang umano’y pang-aabusong nagaganap sa loob ng KOJC kung saan ginagamit ang paniniwalang pangrelihoyon para mapasunod ang mga miyembro.

Binanggit sa resolusyon ang mga seryosong alegasyon gaya ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse laban kay Quiboloy.

Ayon sa resolusyon, mayroong isang grupo ng mga babae na tinatawag na “pastorals” na mayroong mahalagang posisyon sa organisasyon. Ang mga babae umano ay mayroong mga partikular na ginagawa para kay Quiboloy.

Kasama umano sa gawain ng mga ito ang paglalaba, pagpapaligo, paglilinis ng kuwarto, at pagmamasahe kay Quiboloy.

Mayroon umanong mga minor de edad na kinuha upang maging miyembro ang pastorals at pinagbibigay umano ng sexual service.

Kinondena ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio ang imbestigasyong ipinatawag ni Hontiveros at sinabi na ito ay isang trial by publicity. Hinamon nito ang senadora na maghain na lamang ng reklamo.

Sinabi rin ni Topacio na hindi ang Senado ang tamang lugar para magsagawa ng imbestigasyon na dapat ay patas.

Itinayo ni Quiboloy, spiritual leader ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang KOJC noong 1985 at sinasabing mayroon itong mahigit 6 milyong miyembro na karamihan ay nasa Pilipinas.

Bukod sa pagiging lider ng KOJC, si Quiboloy ay pinaniniwalaan na siyang “beneficial owner” ng Sonshine Media Network International (SMNI), isang television network na nagbo-broadcast ng kanyang mga sermon.

Si Quiboloy ay aktibong nangangasiwa sa pagsasanay ng kanyang mga manggagawa sa ACQ College of Ministries at mayroong posisyon na pangulo sa Jose Maria College. Pinangangasiwaan din ng KOJC ang isang orphanage na may pangalang Children’s Joy Foundation.