Calendar
NBI Director Melvin Matibag
Kuha ni JOSEPH MUEGO
Matibag: Mga pahayag ni VP Sara, sapat na upang mabuo kasong pagtataksil sa tiwala ng publiko
IGINIIT ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag noong Miyerkules na ang sariling mga hayagang pahayag ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ang siyang nagpatibay sa alegasyon ng betrayal of public trust o pagtataksil sa tiwala ng publiko na nakasaad sa kanyang impeachment case, kahit hindi pa matukoy ng NBI ang umano’y taong inatasan niyang pumatay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Tungkol sa betrayal of public trust, na siyang isyu sa Impeachment Court, hindi na namin kailangang magsagawa pa ng imbestigasyon kahit matukoy pa namin ang taong inatasan,” ani Matibag sa kanyang cross-examination sa Senate impeachment court.
“Dahil ang punto rito, nabuo na ang betrayal of public trust nang hayagan niyang aminin na kumuha siya ng mamamatay-tao o assassin upang patayin ang Pangulo,” dagdag niya.
Ginawa ni Matibag ang pahayag matapos siyang tanungin ng abogado ng depensa na si Mark Vinluan kung maaari bang humantong ang patuloy na imbestigasyon ng NBI sa panibagong impeachment complaint laban kay Duterte.
Tumutol ang prosekusyon sa tanong dahil anila ay haka-haka lamang ito. Gayunman, pinayagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero, na siyang namumuno sa impeachment court, si Matibag na sumagot.
Ayon kay Matibag, sapat na ang sariling mga pahayag ni Duterte upang maitaguyod ang batayang konstitusyonal para sa impeachment.
“At iyon mismo ay isang pag-amin. Sinabi pa niya na ‘pumayag na ‘yung kinausap kong mamamatay-tao.’ Iyon ay bumubuo ng betrayal of public trust,” ani Matibag.
Idinagdag niya na ang ganitong asal ay salungat sa sinumpaang tungkulin ng isang opisyal ng pamahalaan.
“Dahil sa kanyang panunumpa bilang Bise Presidente, sinabi niyang ipatutupad niya ang batas at magbibigay ng katarungan sa bawat tao. Kaya kung nagbabalak kang pumatay, kung gagawin mo iyon, hindi iyon katarungan para sa lahat. Hindi mo ipinatutupad ang batas; ang gusto mong ipatupad ay ang pagpapatumba sa Pangulo,” ani Matibag.
Agad namang hiniling ng depensa na alisin sa rekord ang naturang testimonya, dahil umano’y naglalaman ito ng mga legal at factual conclusions.
Tutol naman si lead prosecutor Gerville “Jinky” Bitrics Luistro sa mosyon. Aniya, ang depensa mismo ang nagtanong kung ang mga umano’y ginawa ni Duterte ay maituturing na betrayal of public trust, kaya ipinaliwanag lamang ng testigo ang kanyang sagot.
“Ang depensa po ang nagtanong kung mapapatunayan na nag-commit ng betrayal of public trust, kung sasampahan pa ng impeachment ulit. At sinasagot lamang po ng testigo, consummated na ang betrayal of public trust dahil may nakausap na tao na pumayag na i-execute ang Pangulo, ang First Lady, at ang dating Speaker,” paliwanag ni Luistro.
Ibinasura ni Escudero ang mosyon ng depensa at pinayagang manatili sa rekord ang testimonya ni Matibag.
“The motion to strike off is denied. Let that answer of the witness remain in the records,” paghatol ni Escudero.
Ipinaliwanag din niya na bagama’t may legal na interpretasyon ang testimonya ni Matibag, kinilala na siya ng impeachment court hindi lamang bilang direktor ng NBI kundi bilang isang abogado na may ilang dekadang karanasan sa batas, kabilang ang kanyang panunungkulan bilang dating law dean.

