Calendar
Speaker Dy pinangunahan inspeksyon para sa 5th SONA ni PBBM



PINANGUNAHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Martes ang huling dry run at inspeksyon sa plenary hall, at idineklara na handa na ang Kamara de Representantes sa pagdaraos ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito. Mahalaga ang araw na ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino, dahil ito ang pagkakataong magbigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin. Handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address ng Pangulo,” ani Dy.
Ayon sa Speaker, nagkasundo ang Kamara at ang Tanggapan ng Pangulo na gawing “simple ngunit marangal” ang SONA ngayong taon, alinsunod sa kahalagahan nito bilang isa sa pinakamahalagang okasyong konstitusyonal sa bansa.
Ang isinagawang inspeksyon noong Martes ang naging huling bahagi ng ilang linggong paghahanda at isinunod sa pinal na inter-agency coordination meeting ng mga opisyal ng Kamara de Representantes, Tanggapan ng Pangulo, at Senado, kung saan tinapos ang mga natitirang detalye sa operasyon para sa talumpati ng Pangulo.
“Handang-handa na tayo,” nauna nang sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil. Aniya, nakatuon ang mga talakayan sa natitirang usaping logistikal, kabilang ang seating arrangements para sa mga dignitaryo at mga viewing room para sa mga panauhing hindi na maaaring ma-accommodate sa loob ng plenary hall.
Nauna ring pinangunahan ni Garafil ang mga opisyal mula sa Tanggapan ng Pangulo sa inspeksyon ng rutang daraanan ni Pangulong Marcos mula sa likurang pasukan ng House of Representatives Complex hanggang sa plenary hall, kung saan niya ihahatid ang kanyang ikalimang SONA.
Sinuri rin ng delegasyon ang plenary hall at iba pang mahahalagang bahagi ng House complex, kung saan nirepaso ng mga opisyal ang mga pagpapahusay sa mga pasilidad na natapos bago ang SONA ngayong taon.
Kabilang sa mga isinagawang paghahanda para sa SONA sa Hulyo 27 ang malalaking pagpapaganda sa House complex, gaya ng pagkumpleto ng ikalawa at ikatlong palapag ng Main Building, pagsasaayos ng mga pasilyo at common areas, at pagtatayo ng mga bagong al fresco lounge para sa mga mambabatas at mga panauhin.
Ganap na ring naihanda ang makasaysayang plenary hall para sa pagdaraos ng joint session ng Kongreso.
Upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng dadalo, nagpatupad din ang Kamara ng malawakang contingency measures. Humigit-kumulang 30 medical personnel mula sa House Medical and Dental Service, kasama ang mga pangkat mula sa St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center, at East Avenue Medical Center, ang ide-deploy sa iba’t ibang bahagi ng House complex.
Nakaantabay rin ang mga karagdagang responder mula sa Department of Health, mga lokal na pamahalaan, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police upang agarang tumugon sa anumang emerhensiya.

