Calendar
VP Sara ipinagkanulo tiwala ng publiko dahil sa pagbiyahe sa abroad -Abante
INAKUSAHAN ng Chairman ng House Committee on Human Rights na si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, Jr. si Vice President Sara Z. Duterte na harap-harapan nitong ipinagkakanulo ang tiwala ng publiko (betrayal of public trust) matapos itong bumiyahe sa ibang bansa habang nagpapatuloy ang kaniyang impeachment trial sa Senado.
Ayon kay Abante, ang naturang paglalakbay ay wala sa mga tungkuling itinakda ng Konstitusyon para sa Office of the Vice President (OVP) at nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa proseso ng impeachment.
Pagbibigay diin pa ni Abante na ngayon pa lamang ay hindi na mapasusubalian ni VP Sara ang katotohanan na walang dudang ipinagkanulo nito ang tiwala ng mamamayan dahil sa kabila ng paggulong ng impeachment court ay nagawa pa nitong bumiyahe sa ibang bansa sa halip na subaybayan at humarap sa ginagawang paglilitis laban sa kaniya.
Si Abante, isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint na inihain ni abogado Nathaniel Cabrera kasama si House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo P. Ortega V, ay nagsabing hindi bahagi ng opisyal na mandato ng Bise Presidente ang paglalakbay sa ibang bansa lalo na habang dinidinig ng Senate Impeachment Court ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.
“That constitutes betrayal of public trust. She’s highly irresponsible as VP,” pagbibigay diin ni Abante.
Nauna nang inihayag ng Office of the Vice President (OVP) na mananatili si Duterte sa ibang bansa mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31 para sa pagbisita sa Qatar, United Kingdom, at Netherlands.
Ayon sa OVP, kabilang sa kanyang itinerary ang mga opisyal na pakikipagpulong sa mga overseas Filipino gayundin ang ilang personal na aktibidad. Iginiit din ng tanggapan na walang pondong mula sa gobyerno ang gagamitin para sa biyahe.
Samantala, sinabi ng Malacañang na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kahilingan ni Duterte para sa travel authority.
Ayon kay Abante, ang pag-alis ng Bise Presidente sa bansa habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings ay nagbubukas ng seryosong usapin tungkol sa kanyang pagpapahalaga sa prosesong itinakda ng Konstitusyon.
“The VP traveling abroad is not part of her mandate as VP. That’s junket! It only means she does care about her impeachment trial and is making a mockery of the Impeachment Court. She violated the real intent of the Constitution and that continues betrayal of public trust. A totally irresponsible VP,” ani Abante.
Dagdag pa ng kongresista, hindi mahalaga kung ang biyahe ay pinondohan ng pribadong salapi dahil may karapatan pa rin ang publiko na malaman kung saan nanggaling ang ginastos sa paglalakbay.
“Whether it be she’s not spending public money and using her private funds, the people have the right to know where she’s getting her travel expenses,” sabi pa ni Abante.
Sinabi rin ni Abante na ang mga pampublikong opisyal, lalo na ang mga nahaharap sa impeachment, ay inaasahang magpakita ng pinakamataas na antas ng pananagutan at asal na magpapalakas, at hindi magpapahina, sa tiwala ng publiko sa mga institusyong konstitusyonal.
“The impeachment process is a constitutional mechanism for accountability. Public officials should demonstrate respect for that process through their actions, especially while the proceedings are ongoing,” ayon pa kay Abante.
Binigyang-diin din ng mambabatas na ang transparency at accountability ay mahalagang bahagi ng paglilingkod sa bayan at hindi dapat isantabi kahit pa sabihin ng isang opisyal na pribadong pondo ang ginagamit nito.
Ipinagtanggol din ni Abante ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at sinabing inulit lamang nito ang mga pahayag na mismong isinapubliko ng Bise Presidente at naging paksa ng opisyal na imbestigasyon.
“Ang mga tinuran ni Matibag ay ’di puwedeng tsismis sapagkat inulit lamang niya ang mga salita ng Bise Presidente na sinapubliko. Alalahanin natin na ang NBI ay isang investigative body at lahat ng sinabi ng Bise Presidente ay laman ng isang masusing imbestigasyon,” ani Abante.
Ayon pa sa mambabatas, dapat ipagpatuloy ng impeachment court ang masusing pagsusuri sa mga ebidensyang iniharap alinsunod sa proseso ng Konstitusyon at hayaang umusad ang paglilitis.

