Calendar
Matibag nanindigan na 100% may kinontak na assasin si VP Sara Duterte
PINANININDIGAN ni National Bureau of Investigation (NBI) Director – Atty. Melvin Matibag sa Senate Impeachment Court na talagang may kinontak na mamamatay tao o assassin ang respondent na si Vice President Sara Z. Duterte para itumba sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Director Matibag, 100 porsiyento siyang naniniwala na si Vice President Sara Z. Duterte ay may nakausap na tao tungkol sa umano’y pagpatay kina Pangulong Marcos Jr., FL Liza Marcos, at dating Speaker Romualdez.
Lumabas ang pahayag ni Matibag sa interpelasyon ni Senator-Judge Bam Aquino na humingi kay Matibag ng kanyang propesyonal na pagtataya sa posibilidad na totoong may nakausap si Duterte kahit nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng NBI.
Binanggit ni Aquino na ang isang nagpapatuloy na imbestigasyon ay maaari pang humantong sa iba’t ibang konklusyon at hiniling kay Matibag na magbigay ng porsiyento ng posibilidad na tunay ngang nakipag-ugnayan si Duterte sa isang tao upang isagawa ang umano’y mga pagpatay.
“Sa inyo pong professional assessment, anong porsyento, what percentage is the probability na meron ngang nakausap na tao ang bise presidente para gawin ’yung mga pagpatay?” tanong ni Aquino.
Tumugon si Matibag na batay mismo sa mga pahayag ng Bise Presidente, wala siyang pagdududa na nagkaroon ng ganoong pag-uusap.
“Base po mismo sa pahayag ng bise presidente, nakasisiguro po na merong kinausap,” ani Matibag.
Nang hilingin ni Aquino na ilahad ito sa anyo ng porsiyento, sumagot si Matibag:
“100 percent po, sapagkat siya na mismo ang nagsabi ng kanyang plano na siya ay may kinausap na papatay at pumayag ’yung papatay sa kanilang pag-uusap,” paliwanag pa ni Matibag.
Ayon sa prosekusyon, ang mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi niyang inutusan niya ang isang tao na patayin sina Pangulong Marcos, ang First Lady, at si Romualdez sakaling siya ay mapatay, ay bumubuo ng isang “impeachable offense” sa ilalim ng artikulo ng impeachment na nag-aakusa sa kanya ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust), culpable violation of the Constitution, at high crime.
Si Matibag ang huling testigo ng prosekusyon para sa artikulo ng impeachment na may kaugnayan sa umano’y mga pagbabanta ni Duterte laban sa pinakamataas na mga opisyal ng bansa.
