Matibag4

Mga ginawa ni VP Sara maituturing na pagkakanulo sa tiwala ng publiko — Matibag

Mar Rodriguez Jul 21, 2026
104 Views

BitricsBINIGYANG-DIIN ni National Bureau of Investigation (NBI) Chief Atty. Melvin Matibag sa Senate Impeachment Court na ang mga ginawa ng respondent na si Vice President Sara Z. Duterte partikular na ang pagbabanta nito sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ay maituturing na pagkakanulo sa tiwala ng public o “betrayal of public trust”.

Sinabi ni Director Matibag habang nakasalang sa “witness stand” na ang mismong mga pahayag ni VP Duterte tungkol sa pakikipag-usap umano sa isang tao upang ipapatay si Marcos Jr. ay maituturing na “betrayal of public trust” o pagkakanulo sa tiwala ng publiko.

Sa pagtatanong ni Senator-judge Joel Villanueva, ipinaliwanag ni Matibag na magkaiba ang imbestigasyon ng NBI hinggil sa kasong “grave threats” at “inciting to sedition” kumpara sa pagsisikap nitong matukoy ang pagkakakilanlan ng taong sinasabing nakausap ni Duterte.

“Kaya naman po ’yung pag-imbestiga sa grave threat at inciting to sedition, malinaw po na napapaloob ito sa Revised Penal Code. Yun naman pong pag-iimbestiga at paghahanap doon sa taong kinausap para pumatay, hindi po napapaloob sa Revised Penal Code dahil po ang pagpaplano ng pagpatay ay hindi naman pinaparusahan ’yan kung hindi nga nagawa,” paliwanag ni Matibag.

Gayunman, sinabi niyang mahalaga pa rin ang isyung ito sa pagtukoy kung nakagawa si Duterte ng isang “impeachable offense”.

“Subalit doon na po papasok ’yung sinasabi nga natin na sa impeachment, tinitingnan po, at para sa akin nga, betrayal of public trust,” sabi ni Matibag.

Ayon kay Matibag, ang mga umano’y ginawa ni Duterte ay salungat sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang Bise Presidente sa ilalim ng Konstitusyon.

“Bakit po? Dahil meron po siyang sinumpaang tungkulin. Doon po mismo sa kanyang oath of office bilang vice president, sinabi niya, ‘to preserve and defend the Constitution, execute the laws, do justice to everyone and consecrate herself to protect the nation,” aniya.

“Pero doon po sa sinabi na ‘execute the laws,’ dito po natin nakikita na hindi po ‘execute the laws’ yung pag-usap ng papatay; that is to execute the President,” dagdag pa ng NBI Director.

Mas maaga sa kanyang testimonya, sinabi rin ni Matibag na si Duterte lamang ang makapagbibigay ng tiyak na pagkakakilanlan ng taong sinabi niyang kanyang nakausap.

“Tama po, kaya mas maganda nga po, kung si VP Sara mismo ang magsabi dito kung meron siyang kinausap at kung sino ang kinausap,” ayon pa sa kaniya.

Iginiit din ni Matibag na ang sariling mga pahayag ni Duterte sa publiko ay nagpapakita na mayroon nang kasunduan upang isagawa ang isang krimen.

“Malinaw naman na yung pagsasalita ng ating Bise Presidente na siya ay kumausap ng papatay at pumayag yung papatay na patayin yung mga indibidwal ay meron na pong pagkakasundo na gagawin ang isang krimen,” ani Matibag.

Ang testimonya ay bahagi ng presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng artikulo ng impeachment na nag-aakusa kay Duterte ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust) at iba pang mga impeachable offense na may kaugnayan sa umano’y mga banta laban kay Pangulong Marcos.

Si Matibag ang ikatlo at huling testigo ng prosekusyon para sa artikulong may kinalaman sa umano’y mga pagbabanta laban sa Pangulo.