Calendar
NBI may mga pangalan, reports, POI sa paghahanap ng ‘assassin’ ni PBBM
MAY mga pangalan, reports at persons of interest nang sinusuri ang National Bureau of Investigation sa paghahanap sa taong sinasabing kinausap ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang mga pahayag laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag sa Senate impeachment court na tuloy-tuloy ang imbestigasyon at umaasa ang special task force na magkakaroon ng mas malinaw na impormasyon sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
“Maraming pong report na pumasok po sa atin at may mga pangalan po talaga na na-identify na atin pong pinupuntahan po,” ani Matibag.
Ayon sa kanya, maaaring may persons of interest na may impormasyong makapagtuturo sa taong hinahanap. Posible rin umanong kabilang sa kanila ang mismong taong sinasabing kinausap ng bise presidente.
Patuloy aniya ang surveillance at pakikipag-usap ng NBI sa persons of interest at sa mga taong malapit sa kanila.
“Yan po ang ating kukunin na impormasyon pa sa ating mga persons of interest na ating sinu-surveillance. Katunayan po, as we speak, tuloy-tuloy po yung ating pakikipag-usap, pati po doon sa mga malalapit sa taong aking binabanggit,” sinabi ni Matibag.
Tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian kung natukoy na ng NBI ang specific na taong umano’y sangkot.
“Wala pa pong specific na personalidad,” sagot ni Matibag.
Ipinaliwanag niyang noong April 16 lamang binuo ang special task force at nakagawa na ito ng tinawag niyang “great progress.”
Nang hingan ng timetable, sinabi ni Matibag na umaasa ang NBI sa mas malinaw na data sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
“Probably po within the three to six months, magkakaroon po tayo ng mas malinaw na data tungkol po dito,” aniya.
Nang tanungin ni Gatchalian kung posibleng matukoy sa loob ng panahong iyon ang sinasabing kausap, sumagot si Matibag: “Yun po ang ating inaasahan.”
Sinabi ni Matibag na matatapos lamang ang investigation kapag natukoy na ng NBI ang taong tinutukoy sa mga pahayag ng bise presidente.
Kasabay nito, mino-monitor din ng task force ang iba pang banta laban sa Pangulo at mga posibleng kilos na maaaring magdulot ng kaguluhan.
Ayon kay Matibag, may ilang tao nang nilapitan ang NBI kaugnay ng mga banta sa social media. May ilan na umanong sinampahan ng kaso habang ang iba ay patuloy na iniimbestigahan.
Hindi niya pinangalanan ang mga respondent o tinukoy ang mga kasong isinampa.
Sinabi rin niyang may ilang nakausap ang NBI na paulit-ulit umanong tumutukoy sa ulo ng Pangulo. Sinusuri ng task force kung may kaugnayan ang mga ito sa mga pahayag na iniuugnay kina Duterte at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Hindi sinabi ni Matibag na napatunayan nang kumilos ang mga taong ito sa utos ng alinman sa mga Duterte.
Bagaman wala pang pinapangalanang specific na personalidad, sinabi ni Matibag na ang mga bagong reports, pangalan at persons of interest ay nagbibigay sa NBI ng direksyon sa patuloy na paghahanap.

