Agri

May 1K pamilya na apektado ng sunog sa Tondo inayudahan ng Agri-Kaagapay

151 Views

AgapayNAGBIGAY ng tulong ang ACT-Agri-Kaagapay Organization sa may 1,000 pamilya na nawalan ng tahanan sa isang sunog na Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.

Si civic leader Virginia Ledesma Rodriguez, founder ng Agri- Kaagapay organization, ang nanguna sa relief operation sa pamamagitan nang pamamahagi ng mga damit, hygiene items, pagkain at tubig sa mga pamilyang apektado ng sunog.

Sa nasabing relief operation, nagpahayag si Rodriguez, na kilala sa pagiging isang philanthropist, ng sinserong pag-asa at panalangin para sa kaligtasan ng bawat residente.

Nangako rin siya na patuloy na magkakaloob ng suporta at tulong para sa mga biktima ng sunog, sa abot ng kanyang makakaya.

Nabatid na ang relief operation ay isinagawa sa isang covered court sa Bgy. Isla Puting Bato, kung saan namahagi ang ACT-Agri- Kaagapay ng mga grocery packs, water containers, meryenda, mga damit at mga gamot sa mga biktima ng sunog.

Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa mga lokal na lider at mga pribadong organisasyon dahil sa kanilang collective efforts at pagkakaisa upang malampasan ang mga kinakaharap na hamon.

“It is through our joint efforts that we can ensure that no one is left behind in the journey towards recovery,” ani Rodriguez.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga fire victims sa Isla Puting Bato, gayundin ang mga barangay leaders sa walang sawang suporta ni Rodriguez, gayundin sa tunay na malasakit na ipinagkakaloob ng Agri- Kaagapay.

Bukod sa pagiging founder ng Agri-Kaagapay, si Rodriguez rin ang pangulo ng organisasyon na nagsusulong ng kapakanan at nag-aangat ng buhay ng maliliit at mahihirap na magsasaka at indigenous peoples (IPs).