LTO

May-ari ng Vios sa viral video may show cause order mula LTO

Jun I Legaspi Aug 13, 2024
111 Views

NAGLABAS na ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) sa rehistradong may-ari ng Toyota Vios na nakuhanang nakaparada sa bike lane sa isang viral video.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon upang malaman kung ang rehistradong may-ari ng sasakyan ang siyang mismong nagparada sa lugar na malinaw na ipinagbabawal.

“Ito po ay pambabastos sa ating mga kasamahan sa bicycle rider community at nagpapakita ng kawalan ng disiplina. Yung paninidigan mo pa ang maling gawain ay talagang abusado na yun,” ani Assec Mendoza.

Sa SCO na nilagdaan ni LTO-Intelligence and Investigation Division head Renante Militante, nakasaad na ang sasakyan na may plakang DAM 3820 ay humarang sa daraanan ng mga siklista.

Makikita rin sa video na binalewala ng driver ang komento ng kumuha ng video at hinamon pa ito na ituloy ang pagkuha ng video ng kanyang maling gawain.

Nararinig din ang driver na pinapaliwanag ang kanyang kilos sa pagsasabing naghihintay lamang siya sa kanyang pamilya.

“In connection thereto, you and the involved driver, are directed to appear at the Intelligence and Investigation Division, Land Transportation Office, East Avenue, Quezon City, on 27 August 2024 at 1:00 P.M,” ayon sa SCO.

Hinihingi rin sa rehistradong may-ari na magsumite ng komento o paliwanag kung bakit hindi siya dapat sampahan ng administratibong kaso kaugnay ng nasabing insidente.

“Failure to appear and submit the written comment/explanation as required shall be construed by this Office as a waiver of your right to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” saad sa SCO.