Calendar
May mananagot sa ‘barbaric’ na hazing mga kadete ng PNPA



Source: PNPA
SINABI noong Lunes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr. na may mga mapapanagot sa Philippine National Police Academy (PNPA) matapos ang isang “barbaric” insidente ng hazing noong Abril 3, 2026 na nagdala sa 24 na 4th class cadets sa ospital dahil sa matitinding paso na dulot ng muriatic acid at liquid sosa na ipinahid sa kanilang katawan, maging sa maseselang bahagi.
Noong nakaraang linggo, sinabi ni PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na tatlong 3rd Class cadets ng akademya ang nasa kustodiya na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at nahaharap sa kasong kriminal dahil sa paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018, matapos umano nilang magdulot ng matinding anyo ng pagpapahirap sa mga biktima.
Ipinagbabawal ng RA 11053 ang lahat ng uri ng hazing sa mga fraternity, sorority, at organisasyon sa mga paaralan, komunidad, at negosyo, kabilang ang Armed Forces of the Philippines at PNP, at nagtatakda ng zero tolerance sa nasabing gawain. Ang mga paglabag na nagreresulta sa kamatayan, panggagahasa, o mutilation ay may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Inilarawan ni Sec. Remulla ang 24 na 4th class cadets o PNPA neophyte bilang mga biktima ng “di-makataong uri ng disiplina” at nangakong ipapataw ang pinakamabigat na parusa sa tatlong natukoy na “hazer” at sa hindi bababa sa pitong iba pa na nakilala matapos ang masusing imbestigasyon ng PNP-CIDG sa pamumuno ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II.
Ang pitong iba pa ay pawang 3rd Class Cadets, kung saan ang tatlong nasa kustodiya ay residente ng Davao Oriental, Quezon City, at Misamis Oriental.
Ayon sa kalihim, isinailalim sa “matinding pagpapahirap” ang mga biktima sa pamamagitan ng paglalagay ng halo ng liquid sosa at muriatic acid sa kanilang likod at pribadong bahagi, na nagdulot ng third-degree burns.
“Hindi talaga katanggap-tanggap. Sunog ang mga likod nila at pati ibabang bahagi. Ginawa ito nang walang pahintulot ng pamunuan ng pulisya, pero may mga pagkukulang sa proseso at hindi namin kukunsintihin ang ganitong asal. Sobrang nakakaawa ang mga biktima—lapnos ang likod at pati puwitan—hindi ito katanggap-tanggap,” ani Sec. Remulla.
Sinabi ni Gen. Nartatez na ang imbestigasyon ng PNP-CIDG ay nagresulta sa pagkakakilanlan ng tatlong akusado at hindi bababa sa apat pang iba na may kaalaman o partisipasyon sa insidente at agad ding sasampahan ng kaso sa korte.
Ayon sa hepe ng PNP, ang insidente ay magdudulot ng malawakang pagbabago sa pamunuan ng PNPA, mula sa Director, Commandant of Cadets, Tactical Officers, hanggang sa Police Non-Commissioned Officers na nangangasiwa sa mga cadet.
Tinatayang siyam na opisyal ng PNPA ang maaapektuhan, na magdudulot din ng reshuffle sa buong PNP dahil ang PNPA Director na si Major Gen. Andre P. Dizon ay isang two-star general at ang Commandant ay isang Brigadier General.
Sinabi ni Sec. Remulla na sinusuri nila ang posibleng pagkukulang ng pamunuan ng PNPA sa insidenteng ito.
“Una, nasa senior officers ang responsibilidad—sila ang dapat mangalaga sa kapakanan ng mga cadet. May kakayahan silang magsagawa ng inspeksyon anumang oras. Pero nangyari ang krimen noong Abril 3 at Abril 7 na lamang naibigay ang kumpletong impormasyon. Iyon pa lang ay may pagkukulang na. May email man na ipinadala, pero kulang sa detalye,” aniya. \
Dagdag niya, siya at si Gen. Nartatez ay mamumuno sa isang PNP command conference upang itama ang mga procedural lapses ng mga opisyal.
“Procedural ang problema, pero ang kulturang ito sa PNPA ay kailangang itigil—lalo na ang pagbubuhos ng muriatic acid sa katawan. May fraternity din ako noong kolehiyo, pero ito ang pinakamasahol na nakita ko. Ito ang pinakamatinding anyo ng pagpapahirap,” aniya.
“Paano mo ipapatupad ang batas kung ganito? Napakasimple—dapat itigil na ito. Hindi ka gagawing mas mabuting pulis ng hazing. Ego lang ito—akala nila matitibay at matapang sila, pero dapat na itong wakasan,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Sec. Remulla na wala pa siyang ulat hinggil sa sexual harassment laban sa mga babaeng cadet sa PNPA, bagamat may mga naunang ulat na may ilang nakaranas ng hindi kanais-nais na gawain mula sa kanilang mga nakatatandang cadet.
Naniniwala rin siya na ang mga akusado ay maaaring may problemang sikolohikal. “Sa tingin ko may problema sa pag-iisip ang mga ito para maghalo ng liquid sosa at muriatic acid at ipahid sa katawan. May isang biktima na umabot hanggang anus at nasira pati ang scrotum. Ito ay malinaw na barbarismo. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip nila, pero ito ay brutal na paraan ng pagpapataw ng kapangyarihan sa nakabababa,” aniya.
Sa kasalukuyan, ginagamot ang mga biktima at bagamat walang namatay o tuluyang napinsala, sinabi ni Sec. Remulla na “napakalaki ng pinsala.”
“Walang areglo dito sa tatlong nahuli. Sila ay kakasuhan at makukulong,” diin niya.
Dagdag pa niya, nakikipagpulong siya sa pamunuan ng PNP upang magpatupad ng mga reporma at maiwasan ang mga katulad na insidente sa hinaharap.
“Hindi man ito magiging perpekto, magpapatupad kami ng mga bagong proseso. Bibigyan ng responsibilidad ang mga bagong cadet na iulat ang hazing. May mga makukulong na dahil dito.
Magkakaroon ng mga paraan at mekanismo para mag-report, at magkakaroon ng orientation kung saan maaari silang dumulog sa mga nakatataas na opisyal,” pagtatapos niya.

