Calendar
Kamara handa na sa pagdinig sa impeachment, walang TRO mula SC
DAHIL walang inilabas na temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema (SC), idineklara noong Lunes ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list na “handa na ang lahat” para sa pagpapatuloy ng mga pagdinig sa impeachment sa harap ng House Committee on Justice, habang naghahanda nang tumestigo ang mga pangunahing saksi—kabilang ang umano’y bagman ng Bise Presidente na si Ramil L. Madriaga.
Si Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines at miyembro ng House Committee on Justice, ay nagsabing magpapatuloy ang mga pagdinig ayon sa iskedyul at mahigpit na alinsunod sa Konstitusyon, umiiral na jurisprudence, at House Rules on Impeachment.
“Mahalaga ang pagdinig bukas.
Ito ay araw ng mga resibo.
Ito ay araw ng ebidensiya.
Ito ay araw ng katotohanan,” ani Ridon.
Binigyang-diin niya na ang isinasagawa ng komite ay isang konstitusyonal na paunang imbestigasyon, hindi pa isang paglilitis.
“Hindi pa ito trial. Tinitingnan pa lamang ng Kamara kung may sapat na basehan upang umusad ang impeachment sa Senado,” ani Ridon.
Iginiit ng mambabatas na tinutupad lamang ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon upang alamin kung may sapat na batayan para sa impeachment.
“Hindi ito pulitika. Ito ay pagsunod sa mandato ng Konstitusyon upang alamin kung may sapat na basehan ang mga reklamong inihain laban sa Pangalawang Pangulo,” aniya.
Ayon kay Ridon, ang layunin ng mga pagdinig ay hindi pa tukuyin ang pagkakasala, kundi suriin kung sapat ang ebidensya upang iakyat ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
“Ang tanong sa yugtong ito ay hindi pa kung guilty o not guilty ang Pangalawang Pangulo. Ang tanong ay kung may sapat bang basehan upang ituloy ang impeachment trial sa Senado,” dagdag niya.
Kabilang sa mga inaasahang haharap sa komite sina Atty. Cynthia Viñas-Pantonal, notary public ng affidavit ni Ramil Madriaga; mga tauhan ng House Legislative Archives; si Madriaga mismo; Securities and Exchange Commission Chairperson Atty. Francis Edralin Lim; Philippine Statistics Authority Chief Claire Dennis S. Mapa; mga opisyal mula sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue, at National Bureau of Investigation; at iba pang resource persons na may kaugnayan sa imbestigasyon.
Binigyang-diin ni Ridon na inaasahang maghahain ang mga saksi ng testimonya sa ilalim ng panunumpa at mga dokumentaryong ebidensya, at anumang pagkuwestiyon sa kanilang kredibilidad ay dapat subukin sa mismong pagdinig.
“Kung may isyu sa kredibilidad ng testigo, dito iyon dapat sinusubok—sa ilalim ng panunumpa, sa harap ng ebidensiya, at sa loob ng proseso,” ani Ridon.
Inulit niya na nabigyan na ng buong pagkakataon si Bise Presidente Duterte na lumahok at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.
“May buong pagkakataon ang Pangalawang Pangulo na humarap, sumagot, at magpaliwanag. Nasa tamang forum na tayo upang marinig ang kanyang panig,” aniya.
Para kay Ridon, ang kahalagahan ng mga pagdinig ay lampas pa sa mga sangkot, dahil inaasahan ng publiko ang malinaw na paliwanag at pananagutan na nakabatay sa mga katotohanan.
“Ang publiko ay naghihintay ng malinaw na sagot—batay sa resibo, batay sa ebidensiya, at batay sa katotohanan,” aniya.
Sinabi ni Ridon na magpapatuloy ang Kamara sa patas, maayos, at ayon sa batas na paraan.
“Magtutuloy ang proseso. Susundin ang batas. Susundin ang mga patakaran. At hahayaan nating magsalita ang ebidensiya,” pagtatapos ni Ridon.

