Calendar
Maybahay ginapos, binusalan muna bago ninakawan; 3 sa 5 kawatan huli
May kasamang ulat ni Bernard Galang
SAN LEONARDO, Nueva Ecija–Nasakote ng mga pulis ng Nueva Ecija ang tatlong hinihinalang magnanakaw na sangkot sa nakawan noong Huwebes sa bahay ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Brgy. Mambangnan sa bayang ito.
Pinasok ng limang lalaki na naka-bonnet at jacket ang bahay sa Brgy. Mambangnan bandang alas-2:00 ng madaling-araw. Iginapos ang asawa ng biktima at binusalan ng packaging tape ang bibig bago at tinangay ang P1.6-milyong halaga ng dolyar at pesos at mga gintong alahas.
Sinabi ni Nueva Ecija police chief Col. Heryl Bruno na kamag-anak ng biktima ang utak sa nakawan.
Dalawa sa limang suspek ay nasakote bandang alas-4:40 ng hapon noong Biyernes matapos lumantad at magsumbong sa pulisya ang isa nilang kasabwat at idinetalye ang nasabing nakawan.
Narekober mula dalawang suspek ang $300, P30,000 cash, itim na jogging pants, dalawang bonnet at isang packaging tape na pinaniniwalaang ginamit sa pagnanakaw.
Dahil sa takot, isa pang suspek ang lumutang at boluntaryong sumuko sa pulisya alas-8:00 ng umaga noong Sabado.
Sinampahan na ng kasong robbery ang limang suspek, kabilang ang isa na nananatiling at-large at ngayon ay subject ng isang province-wide manhunt operations, dagdag ni Bruno.
“Binabati ko ang aking mga tauhan para sa kanilang pasensya at dedikasyon sa paglutas ng kasong ito na nagpapakita ng kanilang kakayahan sa imbestigasyon at pangangalap ng intel,” ani Bruno.

