Isko

Maynila dami pang dapat bayarang utang kaya di muna naglagay ng parol sa mga lansangan

Edd Reyes Nov 27, 2025
545 Views

UMANI ng papuri sa mga netizen ang pahayag ni Mayor Isko Moreno Domagoso Miyerkules ng umaga sa Kartilya ng Katipunan kaugnay sa hindi paglalagay ng parol ngayong kapaskuhan sa mga lansangan sa Lungsod ng Maynila.

Humarap sa publiko si Mayor Isko Moreno upang humingi ng paumanhin sa naging pasiya niya na hindi muna maglagay ng parol tulad ng nakaugalian dahil kinakailangan dito ang paggugol ng P14 milyong piso.

“Basta ang importante sa Pasko, andiyan ang pamilya natin, malusog tayo, nakaraos tayo, me mapaghaharimonan tayo, at meron kayong kapanatagan sa pamumuhay. Sa tingin ko yun ang diwa ng Pasko sa bawat pamilya. Sa kapuwa, ang Pasko ay pagbibigayan, pagmamahalan,” pahayag ng alkalde.

Inanyayahan din ng alkalde ang mamamayan na sa Kartilya ng Katipunan, na siyang sentro ng lungsod na lamang magtungo at damahin ang Pasko, kung saan sila naglagay ng higanteng Christmas Tree.

Lahat ng pagtitipid sa pondo ng gobyerno ay ginagawa ngayon ni Mayor Isko Moreno upang makalikom ng pondo, hindi lamang para sa pagbibigay ng wastong serbisyo sa tao, kundi upang makabayad na rin sa iniwang bilyon pisong pagkakautang ng nakaraang administrasyon.

Sa kasalukuyan, naayos na ni Yorme Isko ang mahigit sa P317 milyong utang na hindi binayaran ng nakaraang administrasyon sa Meralco, Maynilad, Manila Water at mga kompanya ng telekomunikasyon.

Gayunman, sinabi ng alkalde na malaking halaga pa ang kailangan niyang mabayaran bagama’t kumpiyansa siya na mairaraos niya ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon niyang pamumuno bilang alkalde sa tulong na rin ng mga opisyal at kawani ng Manila City Hall.