ASF

Mga litsunan sa QC wala ng ASF

Cory Martinez Nov 27, 2025
448 Views

WALA nang African Swine Fever (ASF) virus sa 14 na litsunan sa La Loma, Quezon City, ayon sa Quezon City government.

Nabigyan na ng lifting order ang tatlo sa 14 na litsunan na iniutos na panasamantalang magsara upang muling makapagbukas matapos makapasa sa mga reglamento ng City Health Department at City Veterinary Department.

Matapos ipasara ang mga litsunan, araw-araw ang disinfection sa loob ng isang linggo sa mga establishment katuwang ang City Veterinary Department at QC Health Department bilang pagsunod sa memorandum ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Bukod sa disinfection, inatasan ang 14 na establishments na sumunod sa kinakailangang sanitary, safety at health protocols.

Ayon sa pamahalaang lungsod, tuloy ang pagtulong nila sa mga negosyante upang matiyak na ang lahat sa kanila ay makasunod sa mga protocol at mapanatiling de-kalidad ang mga produktong nagmumula sa La Loma.