Calendar
Maynila pinamahagi na P11M ayuda sa mga pasyente ng KAAGAPAY
SINIMULAN ng ipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang P11 milyong tulong pinansiyal sa mga pasyenteng kabilang sa KAAGAPAY Program bilang pagpapalawig ng suporta sa mga residenteng nahaharap sa malubhang karamdaman.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang “Talk to the Patients” na makasisiguro ang mamamayan na matutupad ang kanyang pangako na tulungan ang mga residenteng nabibigatan na sa bayad sa ospital at mga kaugnay na gastusin lalu na ang mga nakaratay sa pagamutan at mga batang sumasailalim sa gamutan.
Idinagdag pa ng alkalde na ang kakayahang magbigay ng tulong ng lungsod sa mga higit na nangangailangan ay dahil sa pinaghusay na pamamahala sa salapi at patuloy na tiwala ng taxpayers lalu na’t ang pondong nalilikom ay direktang naibabahagi tungo sa mga agarang serbisyong panglipunan.
“We will do our best. Maraming salamat sa taxpayer. Sa tiwala nila, nakakaluwag-luwag tayo dun sa mga nangangailangan. Yung pera mawawala, kikitain ulit. Pero yung buhay pag nawala… huwag naman sana,” sabi pa ng alkalde.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na umaasa siya na ang Pamahalaang Lungsod at mga taxpayers ay makakapagbigay lunas o kung hindi man ay makakabawas sa problema ng Manilenyo. “Be at peace. What happened to you can happen to anybody,” sabi ng alkalde.

