Palamig SOURCE: Larawan mula sa FB/Manila PIO

Maynila umaksyon matapos madiskubre drug-resistant bacteria sa palamig sa Tondo

25 Views

UMAKSYON na ang Manila City Government matapos mabunyag sa pag-aaral ng University of the Philippines Manila na lahat ng 12 sinuring “palamig” stalls sa Tondo ay positibo sa drug-resistant bacteria.

Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, prayoridad na ng Manila Health Department (MHD) ang agarang pagtugon sa isyu dahil posibleng malagay sa panganib ang kalusugan ng publiko.

“Pupuntahan po namin uli ang 12 sites na nasama sa study, and we will be conducting again the inspection of this samalamig stall,” ani Padilla.

Kabilang sa mga hakbang ng lungsod ang obligadong paggamit ng malinis at sertipikadong tubig at yelo mula sa aprubadong supplier, lalo’t lumabas sa pag-aaral na ito ang pangunahing pinagmumulan ng kontaminasyon. Hihingan din ng patunay ng water at ice certification ang mga vendor sa oras ng inspeksyon.

Magkakaroon din ng mandatory hygiene training para sa mga vendor, kabilang ang tamang paghuhugas ng kamay at ligtas na paghawak ng pagkain.

“May certification kaming ibibigay sa kanila para ma-uplift naman or ma-motivate sila na gawin ‘yung mga tamang hygiene procedure,” dagdag pa ng Health Officer.

Bukod dito, plano rin ng lungsod na magbigay ng libreng water testing sa mga vendor at higpitan ang pagkuha ng sanitary permits, kabilang ang regular na pagsusumite ng water safety recertification. Isasagawa rin ang rutinang pagsusuri sa mga inumin, tubig, at mga gamit sa puwesto upang mabantayan hindi lang ang bacteria kundi pati antimicrobial resistance.