Calendar
Mayor Gomez: PBBM laging mabait, mapagbigay
SINABI ni Ormoc City Mayor Lucy Torres Gomez na patuloy na ipinapakita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “tunay na kabaitan at kagandahang-loob” sa kanyang pagkatao.
“Ginoong Pangulo, sa kabila ng lahat ng pagsubok at unos na inyong pinagdaanan, nanatili kayong totoo sa inyong kabaitan at kagandahang-loob,” ani Gomez sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng 124 na Patient Transport Vehicles (PTVs) para sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa Eastern Visayas nitong Lunes.
“Hindi lamang po kayo nangunguna sa amin sa pamamagitan ng halimbawa. Binibigyan ninyo rin kami ng lakas — kaming mga LGUs, mga alkalde, at mga Leyteño — upang maging daluyan ng inyong kabaitan at kagandahang-loob,” dagdag pa ni Gomez sa turnover ceremony sa Ormoc City.
“Ginoong Pangulo, hindi po lahat ng tao ay laging mabait. Ngunit kayo po, ay laging mabait,” ani pa niya.
Binisita ni Pangulong Marcos ang Ormoc nitong Lunes — ikaapat na pagkakataon ayon kay Gomez — at kanyang inalala ang pagdalaw ng Pangulo upang kamustahin ang kalagayan ng mga residente matapos ang lindol noong 2017.
“Malugod po namin kayong tinatanggap ngayon, ang aming lider ng bansa na sa loob ng apat na taon bilang Pangulo ay humarap sa napakaraming hamon — mula sa mga banta sa pambansang seguridad, pagpapatatag ng ekonomiya, at pagtugon sa mga epekto ng kalamidad,” wika ni Gomez.
Ayon sa alkalde ng Ormoc, pinanatili ni Pangulong Marcos ang matatag na pamumuno sa gitna ng matitinding pagsubok sa nakalipas na tatlong taon.
Nagpasalamat din si Gomez kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles para sa Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP).
“Mga Ginoo, ang handog na ito ay tunay na makapagbabago sa kakayahan ng aming mga LGU na agad makapaghatid ng serbisyong medikal para sa mga nangangailangan,” sabi ni Gomez kina Pangulong Marcos at Robles.
Sa turnover ceremony sa Ormoc City, kasama ni Pangulong Marcos sina Mayor Gomez, Robles, Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, at iba pang mga opisyal ng pamahalaan. PCO

