Farmer

Isinusulong sa Senado: Mas matinding suporta sa magsasaka

261 Views

MATINDING suporta at pagtangkilik ang dapat umanong ibigay sa ating mga lokal na magsasaka.

Ito ang pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kung saan ay malugod niyang tinangkilik at pinasalamatan ang administrasyon sa ginawang 60-araw na pagbabawal sa pag-angkat ng bigas na ipinataw ng Malacañang, ngunit iginiit pa rin niyang hindi ito sapat upang matiyak ang pangmatagalang seguridad sa pagkain at maprotektahan ang milyun-milyong Pilipino laban sa kagutuman.

“Yung 60-day ban is good as a stop gap measure, but it is not enough,” ani Pangilinan.

Ipinaliwanag niyang bagama’t makatutulong ang pansamantalang suspensyon ng pag-aangkat upang mapatatag ang presyo ng palay sa panahon ng lokal na anihan mula Oktubre hanggang Disyembre, kailangang agarang isulong ang mas malalim na mga reporma sa sektor ng agrikultura.

“We cannot be dependent on imports because kung biglang tumaas yan, food security ang challenge,” binigyang-diin niya. “Kung mataas ang supply, mataas ang presyo ng bigas at pag mataas ang presyo ng bigas, ang kapalit nyan ay gutom sa milyon-milyon nating kababayan.”

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, isinusulong ni Pangilinan ang karagdagang P100 bilyon sa taunang badyet ng Department of Agriculture, na layong itaas ito sa P800 bilyon sa susunod na anim na taon.

Binigyang-pansin niya ang malaking agwat sa gastusin ng Pilipinas sa agrikultura kumpara sa mga kalapit-bansa. “Thailand also spends double the funding of the Philippines on agriculture for a population of 70 million, while Vietnam spends triple for its 90 million population,” inilahad ni Pangilinan.

Dagdag pa niya, ang Taiwan ay naglalaan ng $600 bilyon taun-taon para sa 23 milyong tao, samantalang ang Pilipinas ay gumagastos lamang ng $4 bilyon para sa 120 milyong mamamayan.

Binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangang mamuhunan sa pag-oorganisa ng mga kooperatiba ng magsasaka, pagpapalawak ng akses sa kredito, mga pasilidad para sa post-harvest, makinarya, at mahahalagang input gaya ng pataba at pestisidyo.

“Kaya talaga ang pinaka-weakest link sa agriculture supply is the farmer,” aniya. “If the farmer is the weakest link, then the farmer must have the biggest support.”

Dagdag pa niya, mahalaga ang maayos na pamamahala sa sektor ng agrikultura. “Tiyaking hindi ninanakaw ang pondo. Hindi lang correct spending, tiyaking walang corrupt spending.”

Patuloy na nananawagan ang senador para sa mga estrukturang reporma na magbibigay-prayoridad sa mga magsasaka at magpapababa sa pagiging bulnerable ng bansa sa panlabas na krisis sa suplay ng pagkain.