Lacuna1

Mayor Honey: Leonel inabandona tungkulin

Edd Reyes Jan 8, 2025
13 Views

IGINIIT ni Manila Mayor Honey Lacuna na hindi tinupad ng Leonel Waste Management Corporation ang nakasaad sa kontrata na naging sanhi ng pagkakatambak ng basura sa pagpasok ng taong 2025 kasabay ng pagbibigay-diin na walang utang ang lokal na pamahalaan sa naturang kompanya, tulad ng nakasaad sa inilabas nilang opisyal na pahayag.

Sinabi ng alkalde na mismong mga opisyal ng barangay ang nag-ulat sa kanila na inabandona ng Leonel ang kanilang tungkulin kahit hanggang katapusan pa ng Disyembre, 2024 ang kanilang kontrata, habang patuloy aniya sila sa pagberipika sa bawa’t barangay upang tipunin ang mga detalye ng mga kahalintulad na reklamo.

Kaugnay sa umano’y utang ng Maynila, sinabi ni Mayor Lacuna na dumadaan sa proseso ng paglalabas ng perang pambayad sa Leonel na hindi tulad sa palengke na kaliwaan ang bayaran dahil may mga government accounting, auditing requirements, at procedures na itinatagubilin ng batas na kailangang sundin.

Nabayaran na aniya nila ang naunang apat na buwan ng taong 2024 at may pondo na ring mahigit P131 milyon para sa Mayo at Hunyo sa serbisyo ng Leonel kaya’t hindi ito masasabing utang kundi “due and demandable” gaya ng nakasaad sa kontratang kanilang nilagdaan.

Sinabi ng alkalde na dadaan din sa tamang proseso ang bayad ng Lungsod ng Maynila sa Leonel para sa nalalabi pang mga buwan subalit posibleng maapektuhan aniya rito ang hindi pagtupad sa kontrata ng kompanya nitong buwan ng Disyembre.

Kaugnay sa nagtambak pa ring mga basura sa maraming lugar sa Lungsod, nagbigay na ng deadline ang alkalde sa mga bagong kontraktor na PhilEco at MetroWaste na tapusin ang paghahakot hanggang Enero 10. Hindi aniya sila titigil hangga’t hindi naibabalik sa kaayusan ang Lungsod ng Maynila.