Calendar

Mayor Isko hindi benggador
PARA ko nang nakikini-kinita na ngayon pa lang ay nagbabalot-balot na ng kanilang personal na gamit ang ilang department heads, bureau chiefs, at pinuno ng ilang tanggapan sa Manila City Hall na pinaringgan na ni Yorme Isko Moreno na kanyang kakalusin.
Pero hindi naman lahat ng mga kasalukuyang pinuno ng mga kagawaran at kawanihan ng Manila City Hall ang sisibakin ni Yorme sa puwesto lalu na’t una na niyang sinabi na mananatili sa kanilang tungkulin ang mga kawani at opisyal ng lokal na pamahalaan na naglilingkod ng wasto sa mga Manilenyo.
Wala kasi sa ugali ni Yorme ang maging benggador lalu na’t paulit-ulit niyang sinasabi na pare-pareho lang naman silang mga Batang Maynila na sa dakong huli ay sila pa rin ang magkikita-kita sa finish line.
Kaya lang, yung mga namumuno sa tanggapan na garapal ang gawain na hindi na nga naglilingkod ng tapat ay nagpapahirap pa sa mamamayan, tiyak aniya na may kalalagyan.
Yun namang mga career service official na hindi nakapasa sa panuntunan ni Yorme, hindi naman sila mawawalan ng trabaho at posibleng malipat lamang sa ibang tanggapan kung saan angkop ang kanilang kaalaman dahil mayroon silang security of tenure sa ilalim ng Civil Service Law.
Malabo na kasing mapagtakpan pa ng mga opisyal na hindi nakapaglingkod ng tapat sa mamamayan dahil natutuklasan na ni Yorme ang kanilang sikreto, ilang linggo, bago pa man siya tuluyang maluklok sa puwesto sa Hunyo 30.
At tulad ng kanyang pangako, uunahin ni Yorme ang muling paglilinis sa mga pangunahing lansangan na kanya ng nagawa nooong unang manungkulan pero naging dugyot nang mawala siya sa puwesto.
Rep. Toby Tiangco, kumpiyansang mapagbubuti ni PBBM ang kalidad ng trabaho
KUMPIYANSA si Navotas Rep. Toby Tiangco na matutupad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pangakong mapagbuti ang kalidad at uri ng trabaho ng mga Pinoy.
Kailangan aniya kasi ng tulong ng gobyerno upang makaroon ng pagkakataon ang mga batang Pinoy na makahanap ng maayos at magandang trabaho kaya magandang hakbang ang ginawa ng Pangulo na paglagda sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 12063, o ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act, upang mapagtugma ang kakulangan sa pagitan ng edukasyon at industriya.
Isa rin aniyang positibong hakbang ang Trabaho ssa Bagong Pilipinas Program ng Department of Labor ang Employment, pati na rin ang pakikipag-partner nito sa JobStreet Philippines Inc. upang mabigyan ng maganda at de-kalidad na trabaho ang mga Pililinong naghahanap ng trabaho.
Ang inisyatiba aniyang ito ay sumasalamin sa seryosong pagtuon ng administrasyong Marcos na ihanda ang mga manggagawang Pinoy sa hamon ng kompetisyon ng buong mundo sa larangan ng trabaho sa darating na panahon.
Pagbati sa mga may kaarawan
MALUGOD na pagbati sa mga magdiriwang ng kaarawan ngayong buwan ng Hunyo, kabilang ang aking anak na si Edgardo “Gary” Reyes, aking Ate na si Bella Reyes Montesa, manugang na si Joan Viray Reyes, pati na rin ang magtiyahin na sina Joan at Sarah Paredes na hipag ng aking anak at ang aking bayaw na si Buboy Tarrega.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com