Tess

Mayor Jeannie sinabing walang dapat ikabahala sa COA notice of suspension

92 Views

MARIING itinanggi ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang anumang alegasyon ng katiwalian matapos maglabas ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Suspension kaugnay ng P10 milyon na ginastos sa opisyal na pagbisita ng kanilang delegasyon sa Tokyo, Japan noong Disyembre 17-23, 2023.

Ang nasabing notice ay inilabas noong Setyembre 4, 2024, ngunit nilinaw ni Mayor Sandoval na ito ay bahagi lamang ng normal na proseso at walang anumang iregularidad.

“Walang bahid ng anomalya o katiwalian dito! Ang biyahe namin ay isang mahalagang hakbang para sa kapakanan ng Malabueño,” pahayag ni Mayor Sandoval.

Aniya, ang learning visit na ito ay naglalayong makakuha ng mga makabagong kaalaman at solusyon mula sa Tokyo, na maaaring ipatupad para sa ikauunlad ng Malabon.

Kasama niya sa nasabing pagbisita ang ilang konsehal at opisyal ng lungsod upang matutunan ang mga advanced na sistema ng urban planning at disaster management ng Tokyo.

“Normal na proseso, hindi anomalya”

Ayon kay Mayor Sandoval, ang Notice of Suspension ay ibinaba dahil lamang sa mga cash advances na ginawa para sa trip na ito, at hindi dahil sa anumang kwestyonableng paggasta.

“Ang notice ay inisyu dahil sa mga nawawalang dokumento o pirma na kailangan para ma-clear ang transaksyon. Ngunit naisumite na ang kumpletong detalye ng gastos sa liquidation report,” paliwanag niya.

Binigyang-diin din ng alkalde na, bagama’t nabanggit sa Notice of Suspension na walang appropriations para sa travelling expenses-foreign para sa kalendaryo ng 2023, ang pondo para sa travel expenses ay malinaw na nakalaan sa supplemental budget, kahit hindi ito nakasulat kung para sa local o foreign travel.

“Ang general allocation ng travel expenses ay sumasaklaw sa parehong local at foreign travel, at kasama ang trip na ito sa Programs, Projects, and Activities (PPA) na naka-attach sa approved supplemental budget,” dagdag ni Mayor Sandoval.

“Tinitiyak ko sa lahat ng Malabueño—wala kaming ginagawang mali o katiwalian. Kumpleto ang lahat ng papeles, at tiwala kami na mabilis na malilinawan ang usaping ito,” diin pa niya.

“Suspension lang ‘yan, hindi disallowance!”

Pinaliwanag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na hindi dapat ikabahala ng mga Malabueño ang Notice of Suspension dahil ito ay pansamantala lamang.

“Ang Notice of Suspension ay isang temporary na hakbang. Kapag naisumite na ang mga dokumento, agad itong maaalis. Iba ito sa Notice of Disallowance, na may mas seryosong implikasyon. Sa kasong ito, malinaw na walang mali sa transaksyon, kaya’t wala dapat ipag-alala ang ating mga kababayan,” ani Dr. Rosete.

“Hindi ito para sa pulitika!”

Dagdag pa ni Mayor Sandoval, “Gusto ko ring linawin na ang mga hakbang na ito ay hindi para sa pulitika, kundi para makapagbigay ng mas magandang serbisyo sa lahat ng Malabueño. Hindi namin ginagamit ang pondo ng bayan para sa pansariling interes, kundi para sa ikabubuti ng ating lungsod.”

“Sa harap ng mga batikos… Patuloy na magtatrabaho ang inyong abang lingkod. Malabon Ahon!” ani Mayor Sandoval.

Tiniyak din ni Mayor Sandoval na ang lungsod ay agad na magbibigay ng mga kinakailangang dokumento at impormasyon ayon sa mga requirements ng COA upang maayos ang issue sa lalong madaling panahon.