Mayor Sara isusulong rehab ng coastal water ng Batangas

272 Views

TUTULONG si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte upang ma-rehabilitate ang dagat na sakop ng Batangas upang manatili itong produktibo.

Sa kanyang pagbisita sa Batangas, sinabi ni Duterte na maraming turista ang pumupunta sa probinsya dahil sa karagatan nito partikular sa Isla Verde Passage at dapat tiyakin na mapangangalagaan ito.

“You are very lucky (Batangueños) dahil nasa inyo ang karangalan na alagaan ang Verde Passage and ang Isla Verde as well. And i-protect at i-save ito for the future generations because 50 years from now, wala na po tayong lahat dito. Iba na po ang nakatayo rito, iba na po ang nakaupo diyan, and we hope that they will still enjoy that biodiversity na nandiyan sa ating Verde Passage,” sabi ni Duterte.

Ayon kay Duterte malaking tulong ang turismo sa lokal na ekonomiya at nakadaragdag ito ng kita ng lokal na pamahalaan upang mas dumami ang nagagawa nitong proyekto at programa para sa taumbayan.

Ang Isla Verde Passage ay mayroong produktibong ecosystem subalit nanganganib ito dahil sa malibis na paglaki ng populasyon ng crown-of-thorns starfish (COTS).

Ang pagdami ng COTS ay nangangahulugan umano na kumokonti ang mga isda sa lugar.

Kapag sumobra ang dami ng COTS ay mabilis nitong masisira ang mga coral reef na siyang pinamamahayan ng mga isda.

“Akala po natin na starfish lang ito pero we need to do something about it and it is an emergency already dahil it threatens our Verde Passage and Isla Verde,” dagdag pa ng alkalde ng Davao City.

Isa sa adbokasiya ni Duterte ay ang pagpapalago ng turismo na nakapagbibigay ng kabuhayan sa mga mamamayan.